MANILA, Philippines – ITINALAGA ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si Court Administrator Raul Villanueva sa Korte Suprema para palitan si Associate Justice Mario Lopez, na nagretiro nito lamang Hunyo 4.
Inanunsyo ng Malakanyang ang appointment ni Villanueva sa Korte Suprema, Lunes ng gabi.
Inaasahang manunumpa ngayong araw (June 10) si Villanueva.
Siya ang unang SC justice na hinirang ni Marcos.
Pinalitan ni Villanueva si Justice Mario Lopez na nagretiro noong Hunyo 4 nang tumuntong sa edad na 70.
Bago ang pagkakatalaga, si Villanueva ay ang Court Administrator ng Supreme Court, na nangangasiwa sa higit 2,600 hukom at 25,000 court personnel sa Pilipinas.
Nagtapos si Villanueva ng AB Economics (1985) at Bachelor of Laws (1990), sa University of the Philippines, Diliman.
Naging Presiding Judge rin si Villanueva sa iba’t ibang Regional Trial Court, Deputy Court Administrator, Chair/Vice-Chairperson ng iba’t ibang komite, kabilang ang tatlong Bids and Awards Committees ng SC, at professorial lecturer sa Philippine Judicial Academy, at Vice‑Chairperson ng Court Management Department nito.
Samantala, ang Associate Justice ay isa sa mga pinakamataas na opisyal sa Korte Suprema, na bahagi ng 15 miyembrong Supreme Court en banc. TERESA TAVARES/KRIS JOSE