Home NATIONWIDE Magkapatid, natagpuan magkayakap na nalunod sa ilog

Magkapatid, natagpuan magkayakap na nalunod sa ilog

BUGUEY, Cagayan – Pinatunayan ng magkapatid na may malasakit sila sa isat- isa matapos na matagpuan na magkayakap na nalunod sa San Lorenzo Nature Spring Resort, Biguey, Cagayan.

Kinilala ang mga biktima bilang sina Marianne Erica Yoro, 18 taong gulang, at Ricky John Yoro, 13 taong gulang, kapwa residente ng Barangay Quinawegan, Buguey dito sa nasabing probinsya.

Ayon sa ulat ni Billy Ponce, pinuno ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Buguey, ang magkapatid ay kasama ng kanilang pamilya sa isang outing noong Hunyo 8, 2025.

Batay sa salaysay ng mga kaanak, napansin nilang hindi nakisalo sa tanghalian ang magkapatid, subalit inakala nilang nasa ibang bahagi lamang ng resort at patuloy na naliligo.

Napansin lamang nilang nawawala ang dalawa nang maghanda nang umuwi ang grupo. Dahil dito, agad silang humingi ng tulong sa mga opisyal ng barangay at awtoridad upang hanapin ang nawawalang magkapatid.

Matapos ang masusing paghahanap, natuklasan ang mga katawan ng dalawa na magkayakap at nakalubog sa tubig.

Ayon sa imbestigasyon, lumangoy sila sa mas malalim na bahagi ng ilog na nasa labas ng resort, na maaaring dahilan ng kanilang pagkalunod.

Agad na isinugod ang mga biktima sa pagamutan, ngunit idineklara silang wala nang buhay.

Dahil sa insidente, pansamantalang ipinasara sa publiko ang San Lorenzo Nature Park Resort upang suriin ang mga ipinatutupad na safety measures.

Samantala, nagpaabot na ng tulong ang MDRRMO Buguey sa pamilya ng mga nasawi, na ngayon ay nagluluksa sa kanilang tahanan.

Patuloy namang nagpapaalala ang mga awtoridad sa publiko na mag-ingat at tiyaking ligtas ang mga lugar na pinupuntahan upang maiwasan ang ganitong trahedya. REY VELASCO