MANILA, Philippines – Inatasan ni PNP chief Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr. ang mga police commander na palawakin ang mga kampanya sa crime prevention at safety awareness sa mga paaralan sa buong bansa.
Layunin nitong protektahan ang mga estudyante laban sa krimen, online exploitation, fake news, radicalization, cyber scams, illegal drugs, bullying, at iba pang panganib sa social media at internet.
Ayon kay Nartatez, mahalagang maturuan ang kabataan na kilalanin ang mga banta, gumawa ng tamang desisyon, at makiisa sa pagpapanatili ng kaligtasan sa paaralan at komunidad.
Kasunod ito ng mga seminar na isinagawa ng Police Community Affairs and Development Group (PCADG), kabilang ang pagtuturo sa fake news, anti-illegal drugs, anti-terrorism, Safe Spaces Act, anti-bullying, active shooter survival tips, crime prevention, at mga programang pangkapayapaan at seguridad sa San Juan City Science High School noong Hulyo 9.
Papalawakin pa ng PNP ang mga information campaign bilang suporta sa Department of Education matapos ang pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City.
Sinabi ni Nartatez na ang maagang pagbibigay ng tamang kaalaman ay makatutulong upang maiwasan ang pagiging biktima ng krimen at mahikayat ang mga estudyante na agad mag-ulat ng kahina-hinalang aktibidad bago pa ito lumala. RNT/MDS