Home NATIONWIDE Crime rate sa bansa bumaba ng 30.43% noong Hunyo — PNP

Crime rate sa bansa bumaba ng 30.43% noong Hunyo — PNP

1
0

MANILA, Philippines – Bumaba ng 30.43 percent ang nationwide crime rate noong Hunyo kumpara sa kaparehong panahon noong 2025, ayon sa Philippine National Police nitong Lunes.

Sinabi ni PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na 2,138 focus crimes ang naitala noong Hunyo, mas mababa sa 3,073 insidente na naitala sa kaparehong buwan noong nakaraang taon.

Ang datos ay kumakatawan sa “a decrease of 935 incidents or 30.43 percent,” ayon kay Nartatez sa isang press briefing sa Camp Crame sa Quezon City.

Kabilang sa focus crimes ang murder, homicide, physical injury, rape, robbery, theft, motor vehicle theft, at motorcycle theft.

Pinakamalaki ang ibinaba sa carnapping of motor vehicles na bumagsak ng 66.67 percent, mula 27 kaso ay naging siyam. Bumaba rin ng 57.25 percent ang rape cases, mula 697 ay naging 298, habang ang physical injury cases ay bumaba ng 40.15 percent, mula 406 ay naging 243.

“These results reflect the continuing impact of our intensified police operations, increased police visibility, focused crime prevention strategies, and the strong partnership we continue to build with our local government units, partner agencies, and the communities we serve,” ani Nartatez.

Ayon kay Nartatez, nagsagawa ang PNP ng 5,298 anti-drug operations noong Hunyo na nagresulta sa pagkakaaresto ng 6,085 indibidwal at pagkakakumpiska ng ilegal na droga na may kabuuang standard drug price na mahigit PHP435 milyon.

Sa kampanya laban sa wanted persons, nakapagtala ang PNP ng 7,923 na naarestong indibidwal, kabilang ang 2,294 most wanted persons at 5,629 other wanted persons.

Sa anti-smuggling campaign, nagsagawa ang PNP ng 2,517 operations laban sa economic offenses, na nagresulta sa pagkakaaresto ng 665 indibidwal at pagkakakumpiska ng pera at iba’t ibang artikulo na nagkakahalaga ng mahigit PHP1 bilyon.

Sa kampanya laban sa loose firearms, 1,079 indibidwal ang naaresto, habang 3,779 baril ang naisuko o nakumpiska. Mayroon ding 681 baril ang boluntaryong idineposito sa PNP para sa safekeeping.

Pinaigting din ng PNP ang koordinasyon sa iba pang law enforcement agencies upang matukoy ang sindikato sa likod ng nasabat na PHP980 milyong halaga ng smuggled cigarettes sa Cebu.

Nasabat ang shipment sa joint operation ng PNP at Bureau of Customs noong Hulyo 2 sa isang private wharf facility sa Mandaue City, kung saan narekober ng mga awtoridad ang illicit tobacco products mula sa 25 units ng 20-foot container vans.

“This will be an inter-agency investigation intended to unmask all those responsible in the smuggling attempt of these cigarettes into the country and to file necessary charges against them,” ani Nartatez.

Sinabi niya na inatasan na ang mga imbestigador na tukuyin ang mga taong responsable sa financing, transporting, storing, at distributing ng kontrabando. Inatasan din niya ang mga police units na palakasin ang koordinasyon sa BOC at iba pang ahensya upang matiyak na mapapanagot ang lahat ng sangkot sa smuggling operation.

Samantala, sinabi ng Philippine Drug Enforcement Agency na nakumpiska ng mga awtoridad ang PHP40.30 milyong halaga ng ilegal na droga at naaresto ang 52 suspek sa nationwide operations mula Hunyo 25 hanggang sa kasalukuyan.

Ayon sa PDEA, nagsagawa ito ng 49 operations sa naturang panahon, kabilang ang 35 buy-bust operations. Lahat ng suspek ay mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.

“This week’s seizures are a testament to the effectiveness of strong coordination among law enforcement agencies. We will continue to intensify intelligence-driven operations to dismantle drug syndicates and bring offenders to justice,” pahayag ni PDEA Director General Undersecretary Isagani Nerez.

Sa mga operasyon, binunot ng mga awtoridad ang 2,459.53 marijuana plants at nakumpiska ang 5,023.84 grams ng shabu, 2,385 grams ng Ecstasy, at 2,100 grams ng dried marijuana leaves. Na-eradicate din ang 28,800 marijuana seedlings. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here