
HINDI ko maintindihan kung anong klaseng pakiramdaman mayroon ang kasalukuyang gobyernong ito ukol sa mga nangyayaring krimen ngayon sa bansa.
Ang sabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Malacañang press officer Claire Castro, bumaba raw ang antas ng krimen sa Pinas sa kasalukuyan kumpara sa nakaraang administrasyon ni ex-President Rodrigo Duterte.
Gagawin talagang magsinungaling at magpikit-mata ni Castro kung ang pakay lang niya sa sinabi ay siraan ang administrasyong Duterte at papogiin ang pamamahala ng kanyang amo na si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
Wala namang problema dahil ito ay kanyang trabaho. Ang magtakip ng baho ng gobyerno.
Ngunit iba kasi ang sinasabi ni Castro sa mga totoong nangyayari sa ating paligid ngayon at sa mga naglalabasan sa social media.
Bulag siya kung hindi niya nakikita na talamak ang kriminalidad ngayon dahil ang mga mata niya ay nakatuon lang sa mga numero o datos na isinubo sa kanya ng Philippine National Police.
Ang kamakailang kaso ng kidnapping sa isang binatilyong Chinese, ang dramatikong armed robbery sa isang jewelry shop sa Davao, patuloy na patayan dahil sa droga, ang pamamaril sa isang vice mayor, ambush sa convoy ng isang kandidatong mayor at iba pa ay lumilikha ng pakiramdam na ang “crime wave” ay nagaganap.
Hindi ito maitatanggi kahit anong pilit pang gawing pagtatakip.
Kung bubuksan lamang nang maigi ng mga nasa Palasyo ang kanilang mga mata sa mga pangyayari sa paligid o kumakalat sa social media, baka mangilabot at manayo ang kanilang balahibo sa takot.
Imbes na magkumpara ng datos sa nakaraang pamahalaan, harapin ng Malakanyang ang katotohanang ang mga krimen ay hindi nawawala at dapat itong lutasin.
Wala kaming pakialam sa mga istatistika ng krimen para palitawing tahimik o maayos ang bansa na sa totoo lang ay hindi.
Mas interesado kaming mamamayan na makarinig ng mga panukala upang mapabuti ang pagpapatupad ng batas at masira ang mga network ng organisadong krimen.
Nais namin ng mga kuwento mula sa pulisya na ang mga kawatan, kriminal at kung sino-sino pang kampon ng demonyo, nasa gobyerno man o saang lupalop ng impiyerno, ay mahuli, makulong o kahit pa mapatay.
Sana, mahigpit na utusan ni Pangulong Marcos si PNP chief, General Rommel Marbil na totoong kumilos dahil ang sabi ng nakararami ay nagmumukha na itong inutil!