Home HOME BANNER STORY Criminal complaints vs VP Sara imbestigahang mabuti – Malakanyang

Criminal complaints vs VP Sara imbestigahang mabuti – Malakanyang

276
0

MANILA, Philippines – SINABI ng Malakanyang na dapat na maayos na maimbestigahan ang criminal complaints na isinampa laban kay Vice President Sara Duterte.

Ito’y kasunod ng paghahain ng criminal complaints, kabilang na ang plunder, graft, bribery at malversation laban kay VP Sara sa Office of the Ombudsman, may kaugnayan sa di umano’y maling paggamit ni VP Sara ng P612.5 million na confidential funds.

“Muli, kung ito naman po ay mayroon silang basehan para masampahan ng kaso ang Bise Presidente, depende na po iyan sa mga complainants,” ang sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.

“Kung ano po ang isinasaad sa kanilang complaint, kung nakapag-attach sila ng kanilang mga ebidensiya, mas maganda pong maimbestigahan ito nang mabuti,” dagdag na wika nito.

Tinugunan din ni Castro ang report hinggil sa late-night visits ni VP Sara sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Camp Bagong Diwa.

Aniya, ang Department of the Interior and Local Government ang makapagbibigay ng klaripikasyon sa usaping ito.

Hinggil naman sa sinasabing di umano’y sinabihan si BJMP detainee Ramil Madriaga na huwag magsalita laban sa mga Dutertes hinggil sa sinasabing pagkakaugnay sa mga drug lords atPhilippine offshore gaming operators (POGOs), sinabi ni Castro na makabubuting direktang tanungin muna si VP Sara para sa komento.

“Nabasa nga po ito at nadinig na po at nakita kung ano iyong naging statement nitong si Ramil Madriaga na diumano ay bagman ng Bise Presidente, at nagsasabi pa na ang mga POGO operators at drug lords ang siyang nag-finance sa pangangampaniya ng Bise Presidente,” ayon kay Castro.

“Kung ano ang masasabi ng Palasyo rito, mas maganda po siguro na si Bise Presidente muna ang inyong tanungin at kung ito ay kaniyang mapapasinungalingan,” aniya pa rin.

Sa ulat, Ibinunyag ng isa umanong dating “bagman” ni Vice President Sara Duterte na umano’y pinondohan ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) at drug money ang kampanya ng huli noong 2021-2022.

Sa kopya ng affidavit, sinabi ni Ramil Lagunoy Madriaga na noong 2020, ayon umano sa utos ni noo’y Davao City Mayor Sara Duterte, binuo niya ang grupong Inday Sara Duterte Is My President (ISIP) kasama ang ilang kaklase ng Bise Presidente sa San Sebastian College of Law, kung saan din daw siya nag-graduate.

Pinondohan umano ang ISIP Pilipinas ng POGO operators at drug dealers.

“The funding for the ISIP Pilipinas national campaign (2021–2022), along with other parallel groups, came from POGO operators and drug dealers,” pagbubunyag niya.

“I was able to identify several of these individuals during my frequent pickups of cash-filled bags at locations such as The Gate in Pampanga, Vertis North Mall and Seda Hotel in Quezon City, and the Grand Hyatt in BGC,” dagdag niya.

Ayon kay Madriaga, naiparehistro nila sa Securities and Exchange Commission ang ISIP Pilipinas at siya ang naging National Convenor nito.

Nang manalo si Sara bilang Vice President, siya naman umano ay inatasang bumuo ng Vice Presidential Security and Protection Group (VPSPG) para sa seguridad at intelligence work ni VP Sara.

Dito umano niya pinakilala at nirekomenda si Col. Dennis Nolasco, na isa umano sa mga estudyante niya sa Presidential Security Group (PSG).

Samantala, sa unang quarter ng Pebrero 2020, inutusan umano siya ni MSgt. Canlas, isang PSG officer na nakilala niya sa Davao, para kunin ang Super Grandia sa Jollibee Kamuning, Quezon City at ihatid sa car wash sa kahabaan ng Daang Hari, Muntinlupa City.

Mula sa tagpuan, sinabihan umano siyang tumuloy sa kalapit na Katarungan Village, kung saan ibinigay niya ang mga susi sa dalawang lalaki na nasa loob ng isang itim na Honda Civic.

Noong Enero 2022 naman aniya, inutusan umano siya ni VP Sara sa pamamagitan ng isang tawag sa telepono na kunin ang isang Honda Civic na naglalaman ng pera malapit sa warehouse ng KISLAP at ihatid ito sa Jordan Plains, Novaliches, Quezon City, partikular sa bahay ng Pamilya Santiago, na matatagpuan sa loob ng isang gated village.

Makalipas ang mga araw, inutusan umano siyang muli ni VP Sara na kumuha ng isa pang puting Honda Civic na naglalaman ng pera at ihatid ito sa parehong bahay ng Pamilya Santiago sa Jordan Plains sa Novaliches, Quezon City

As of this posting, wala pang pahayag ang Office of the Vice President o ang mga indibidwal na binanggit sa affidavit hinggil sa mga alegasyon ni Madriaga.

“At that time, he was the Commandant of the PSG Training School,” ani Madriaga.

Si Col. Nolasco naman umano ang kumuha kay Col. Raymund Dante Lachica para pamunuan ang VPSPG.

Mula Hulyo 2022 hanggang Abril 2023 ay nagtrabaho umano siya kina Nolasco at Lachica.

Kabilang umano sa trabaho nila ang mag-transport ng malaking halaga ng pera sa iba’t ibang tao, ayon umano sa utos ni VP Sara.

Isang duffle bag umano na puno ng pera ay dineliver sa isang comedy bar na pag-aari at binibisita ng mga alumni ng SSC-Law na matatagpuan sa lugar ng Timog.

Pagdating daw niya ay nakita niya si OVP Spokesperson Reynold Munsayac, dating kaklase ni VP Sara.

Sumenyas raw ito na umakyat siya at iwan ang pera sa opisina. Sinunod niya ang utos at saka umalis.

Isa pang duffle bag na may lamang pera ang iniwan sa sasakyan na hinatid umano niya sa Ombudsman parking compound.

Pagdating niya, sinenyasan siya ng guwardiya na pumarada sa isang partikular na reserved spot at inilagay niya ang mga susi sa ibabaw ng kaliwang gulong sa harap. Pagkaalis umano niya, nakita niyang may kumuha ng mga susi at pinaandar ang sasakyan.

Sa isa pang pagkakataon, sa parehong panahon, ibinigay umano sa kanya ni Nolasco ang puting Vios na naglalaman ng pera na humigit-kumulang P80 milyon.

Inutos umano sa kanya ni Nolasco na dalhin ito sa parking lot ng SM Megamall. Sinunod niya ang utos, ni-lock ang kotse, inilagay ang mga susi sa kaliwang gulong sa harap at pagkatapos ay lumayo at naghintay hanggang sa may kumuha ng mga susi at umalis. Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here