Home NATIONWIDE DA igigisa sa pag-aangkat ng P86M sibuyas kahit anihan; ‘Pinoy farmers, lugi’

DA igigisa sa pag-aangkat ng P86M sibuyas kahit anihan; ‘Pinoy farmers, lugi’

65
0

MANILA, Philippines – Hindi maintindihan ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan kung bakit pinayagan ng Department of Agriculture (DA) ang pag-aangkat ng P86 milyong halaga ng sibuyas sa kabila ng panahon ng anihan at marami ang suplay sa pamilihan.

Nitong umaga ng Miyerkoles, June 10, kasama si Pangilinan ng ilang opisyal ng  DA, Bureau of Customs (BOC), at Bureau of Plant Industry (BPI) sa pagsusuri ng 26 twenty-foot containers na may laman na  ₱86 million halaga ng inangkat na red onions sa Manila International Container Port (MICP).

“Habang nabubulok ang sibuyas ng ating mga magsasaka, ito namang imported onions ay nabulok din matapos maiwan at hindi ma-claim. Kung ganito ang nangyayari, kailangan nating tanungin kung bakit may pumapasok pang ganitong kalaking volume ng imported onions sa kabila ng sapat na lokal na suplay,” ayon kay Pangilinan.

Ayon kay Pangilinan, habang nabubulok ang sibuyas ng lokal na magsasaka sa imbakan at hirap magbenta ang ating magsasaka ng kanilang ani, ipinakikita ng nasabat na produkto ang palagiang hinaing ng nagtatanim sa Nueva Ecija.  “Patuloy na pumapasok ang imported onion sa ating pamilihan kahiht sapat ang suplay.”

“Kung lehitimo ang shipment na ito, bakit iniwan na lamang at hindi na-claim? Bakit hindi binayaran ang kaukulang buwis at mga bayarin? Dapat masagot ito upang mapanagot ang mga nasa likod nito at maprotektahan ang ating mga magsasaka,” ani Pangilinan.

Pinatutunayan din ng nasabat na produkto ang problemang inilatag ng magsasaka sa ginanap na pagdinig noon sa Nueva Ecija nitong Marso 26, 2026 sa ilalim ng  Senate Resolution No. 344, na nag-imbestiga sa pagbagsak ng onion farm-gate prices at patuloy na pag-aangkat kahit oversupply.

“Bakit tayo mag-iimport kung marami ngang supply dito sa atin? Ito ang tanong na paulit-ulit na lumabas sa ating public hearing. Ang pagpasok ng imported onions sa panahon ng oversupply ay lalo lamang nagpapabagsak sa presyo at nagpapahirap sa ating mga magsasaka.” aniya.

Dumating ang shipment sa pagitan ng Disyembre 13, 2025 hanggang Enero 23, 2026. Ideneklarang abandona ang container sa  CMTA matapos mabigo ang importer na kunin ang prodyukto at bayaran ang buwis sa loob ng itinakdang panahon. Galing China ang inangkat na produkto.

“Hindi dapat nabubulok ang sibuyas ng ating mga magsasaka, at hindi rin dapat nasasayang ng mga produktong pumapasok sa bansa. Ang kailangan natin ay maayos na pamamahala ng suplay, mahigpit na pagpapatupad ng batas, at mga polisiyang inuuna ang kapakanan ng ating mga magsasaka,” ani Pangilinan. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here