Home NATIONWIDE DA nagpaliwanag sa listahan NFA officials, employees sa rice sale issue

DA nagpaliwanag sa listahan NFA officials, employees sa rice sale issue

MANILA, Philippines- Inamin ng Department of Agriculture (DA) na hindi na nito bineripika ang listahan ng respondents na isinumite nito sa Office of the Ombudsman na may kinalaman sa kontrobersyal na pagbebenta ng National Food Authority ng buffer rice stocks upang maiwasan ang “suspicion within the agency.”

Sa naging paliwanag ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., ang listahan ay ibinigay ng NFA sa departmento, kung saan agad naman nitong ipinadala sa Ombudsman bilang tugon na rin sa kanilang “urgent request.”

“The list was given to us by NFA and we just forwarded it to the Ombudsman, believing that is current and up-to-date,” ayon kay Laurel.

“We had no chance to audit the list because of the urgency of the Ombudsman’s request. Had we verified the list with NFA management, it might have stirred suspicion as to why we are asking too much details; we were already conducting our own investigation at that time,” dagdag na wika ni Laurel.

Sa ulat, sinasabing 141 empleyado at opisyal ng NFA ang inilagay ng Ombudsman sa preventive suspension habang nagsasagawa ito ng imbestigasyon sa kwestiyonableng pagbebenta ng rice stocks.

Kabilang dito si dating administrator Roderico Buico at ang pumalit sa kanya na si Piolito Santos, na dalawang linggo pa lamang na itinatalaga sa pwesto.

Nito lamang Marso 15, binaligtad naman ni Ombudsman Samuel Martires ang suspension order para sa 23 empleyado ng NFA base sa rekomendasyon ng imbestigador.

Sinabi nina Atty. Dino de Leon at Raphael Rayco na ang suspension order ay naglalaman ng pagkakamali at naisama ang mga indibidwal na hindi na konektado sa NFA.

Gayunman, sinabi naman ni Martires na walang mali sa listahan.

Umaasa naman si Laurel na mas marami pang suspensyon ang mababawi o mali-lift “in due time” para maging normal na ang operasyon ng NFA.

Samantala, nagsisilbi namang administrator ng NFA si Laurel. Kris Jose

Previous articlePH Salt Industry Development Act tinintahan ni PBBM
Next articleBI sa publiko: Mag-ingat sa online travel arrangements