Home HOME BANNER STORY PH Salt Industry Development Act tinintahan ni PBBM

PH Salt Industry Development Act tinintahan ni PBBM

MANILA, Philippines- Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Republic Act (RA) 11985 o ang Philippine Salt Industry Development Act na naglalayong palakasin at muling pasiglahin ang industriya ng asin sa Pilipinas.

Sa 23 pahina ng naturang batas na nilagdaan ng Pangulo noong Marso 11, nakasaad dito na ang tamang teknolohiya at pagsasaliksik at sapat na pinansyal, produksyon, marketing at iba pang support services ay ibibigay sa salt farmers para pasiglahin ang salt industry, matamo ang mataas na produksyon at makamit ang salt-sufficiency at maging susunod na exporter ng asin.

Minamandato rin ng RA 11985 ang pagtatatag ng five-year roadmap na naglalayong palakasin at gawing modernisado ang industriya ng asin, na nakahanay sa nilalayon at patuloy na implementasyon ng RA 8172, o An Act for Salt Iodization Nationwide.

Bubuo naman ng Salt Council upang masiguro ang pinag-isa at pinagsama-samang implementasyon ng salt roadmap at pabilisin ang modernisasyon at industriyalisasyon ng Philippine salt industry.

Tatayong chairman ng Council ang Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI).

Samantala, ang mga kinatawan mula sa kooperatiba ay pipiliin ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) mula sa limang nominado galing sa Luzon at tatlo mula sa Visayas at Mindanao.

Ang Philippine Salt Industry Development Act ay itinala bilang “priority measure” ng Pangulo sa pamamagitan ng Legislative Executive Development Advisory Council.

Magiging epektibo ito 15 araw matapos ang kompletong publikasyon sa Official Gazette, o sa dalawang pahayagan na may general circulation. Kris Jose

Previous articleDagdag-bawas sa presyo ng produktong petrolyo gugulong sa Martes
Next articleDA nagpaliwanag sa listahan NFA officials, employees sa rice sale issue