Home NATIONWIDE BI sa publiko: Mag-ingat sa online travel arrangements

BI sa publiko: Mag-ingat sa online travel arrangements

MANILA, Philippines- Suportado ng Bureau of Immigration (BI) ang “Online Bantay Lakbay” na inilunsad ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) katuwang ang Department of Transportation (DOTr) at Scam Watch Pilipinas.

Nabatid sa BI na ang nasabing inisyatiba ay naglalayon na itaas ang kamalayan ng publiko at labanan ang travel scams, lalo na ang mga isinasagawa online.

Sa isinagawang launch event noong Miyerkules, Marso 13, ang nangungunang 14 travel scam ay inihayag bilang bahagi ng “Online Bantay Lakbay” campaign.

Binigyang-diin ni Commissioner Norman Tansingco ang kahalagahan ng sama-samang pagkilos sa paglaban sa cybercrime at pagprotekta sa mga karapatan at interes ng mga manlalakbay.

“The Bureau of Immigration fully supports the ‘Online Bantay Lakbay’ initiative, which plays a crucial role in safeguarding the public against fraudulent travel schemes. By raising awareness and promoting vigilance among travelers, we can effectively counter cybercrime and ensure a safer online environment,” ani Tansingco.

Hinihikayat naman ng BI ang mga manlalakbay na mag-ingat kapag nagsasagawa ng travel arrangements gamit ang online at beripikahin ang pagiging lehitimo ng mga website at service provider bago magbigay ng anumang personal o pinansyal na impormasyon.

Ayon sa BI, sa pamamagitan ng pananatiling mapagbantay at pag-uulat ng mga kahina-hinalang aktibidad, makaiiwas ang mga indibidwal na maging biktima ng mga travel scam at makapag-ambag sa laban sa cybercrime.

Binanggit din ni Tansingco ang mga pekeng website ng eTravel at iba pang online scam. Hinikayat niya ang publiko na iulat ang mga kahina-hinalang website at online na aktibidad sa CICC sa pamamagitan ng kanilang hotline sa 1326. JAY Reyes

Previous articleDA nagpaliwanag sa listahan NFA officials, employees sa rice sale issue
Next articleKorina, 60-40 sa Senado!