Home NATIONWIDE DA planong magtakda ng P50/kilo price cap sa imported rice bago matapos...

DA planong magtakda ng P50/kilo price cap sa imported rice bago matapos ang buwan

147
0

MANILA, Philippines – Pinag-aaralan ng Department of Agriculture (DA) ang pagpapatupad ng price cap sa imported rice bago matapos ang buwan, matapos ihayag ng National Price Coordinating Council (NPCC) na magsusumite ito ng rekomendasyon na ₱50 kada kilo sa Office of the President.

Ayon kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang magdedesisyon dito. “Hopefully by the end of the month,” ani Tiu Laurel, na nagsabing makatutulong ito laban sa posibleng profiteering sa gitna ng pagtaas ng presyo ng langis dulot ng U.S.-Iran conflict sa Middle East.

Sa datos ng DA Bantay Presyo, nasa ₱55 hanggang ₱63 kada kilo ang premium imported rice sa Metro Manila. Ang well-milled imported rice ay ₱45 hanggang ₱49, habang ang regular-milled ay ₱42 hanggang ₱45 kada kilo.

Gayunman, sinabi ni Tiu Laurel na hindi kailangan ang price cap sa lokal na bigas dahil kasagsagan ng anihan.
“Hindi masyadong wise na lagyan natin ng price cap kasi kasagsagan ngayon ng harvest. Since marami harvest ngayon, the tendency is pababa ng konti,” aniya.

Sa kasalukuyan, ang lokal na premium rice ay ₱51 hanggang ₱60 kada kilo, habang ang well-milled ay nasa ₱45 at ang regular-milled ay ₱40 kada kilo.

Tiniyak din niya ang tuloy-tuloy na suplay ng mas murang bigas sa ilalim ng DA, tulad ng ₱48 at ₱45 kada kilo, pati ang pagpapalawak ng ₱20 kada kilo na bigas sa ilalim ng Benteng Bigas Meron (BBM) Na program.

Samantala, sinabi ni Tiu Laurel na posibleng magpatupad ng price cap sa ibang produktong agrikultura depende sa galaw ng presyo.
“Kung may profiteering, yes, gagawin natin iyan. Kung wala naman profiteering at iyan ang magiging value talaga along the chain, hindi natin lalagyan ng price cap,” aniya.

Tiniyak din niya ang sapat na suplay ng iba pang produktong agrikultura ngayong tag-init, kabilang ang manok, baboy, at isda. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here