Home NATIONWIDE DA sa local tomato farmers: Makipag-ugnayan sa PH gov’t para sa ‘direct...

DA sa local tomato farmers: Makipag-ugnayan sa PH gov’t para sa ‘direct market linkage’

MANILA, Philippines- Hinimok ng Department of Agriculture (DA) ang lokal na tomato farmers na makipag-ugnayan para sa direct market linkages sa gitna ng harvest season.

Ito’y matapos na ang farmgate price ng kamatis ay napaulat na bumaba sa P4 per kilogram hanggang P5/kg sa ilang lugar.

Sinabi ni DA spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa na maaaring magbigay ang DA sa lokal na magsasaka ng market access sa makatwiran na presyo ng pagbili.

“Tutulungan namin sila kung saan pwedeng i-market sa malapit na palengke o sa ating Kadiwa sa mga regions,” ayon kay de Mesa.

Winika pa ni De Mesa na maaaring humingi ng tulong ang mga magsasaka mula sa municipal agriculturists o DA regional field offices.

Nanawagan naman ito sa mga mangangalakal na iwasan na magsamantala o mag-agrabyado ng mga lokal na magsasaka.

Sa kabilang dako, binigyang-diin ni De Mesa ang pangangailangan para sa cold storage facilities para tugunan ang pabago-bagong farmgate at retail prices at ikonsidera rito ang ‘seasonality’ ng agricultural commodities gaya ng kamatis at sibuyas. Kris Jose