MANILA, Philippines- Tukoy na ng kapulisan ang grupong nasa likod ng pagdukot sa dayuhang estudyante ng isang exclusive school sa Taguig City, kasunod ng pagsagip dito sa Parañaque City, Martes ng gabi, Pebrero 25.
Sa kanyang Facebook post, kinumpirma ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Juanito Victor “Jonvic” Remulla na ang daliri sa kanang kamay ng batang lalaki ay pinutol.
“We regret to inform that the child suffered a severed part of his right little finger. He is currently being examined in an undisclosed hospital,” ayon kay Remulla.
Aniya, ang batang lalaki ay dinukot noong Pebrero 20 sa Taguig City, inabandona ng kanyang abductors sa panahon ng hot pursuit operation.
Binigyang-diin ng kalihim na walang ransom na binayaran para pakawalan ang biktima.
“The cell phone signal of the captors were a few hundred meters away when they found the boy wearing pajamas in the side of the road. The boy was recovered but the signal of the phone disappeared,” ayon kay Remulla.
“We know who they are. We know where they are operating from. We will find them. Justice will be served,” dagdag na wika ng Kalihim.
Giit ni Remulla, ang sindikatong sangkot sa pagdukot ay kabilang sa operasyon ng dating Philippine Offshore Gaming Operator (POGO).
”We are definite na ang sindikato na nasa likod ng kidnapping ay former operators ng POGO din. We are definite na ang perpetrators ay ginamit ang kanilang former bodyguards na AWOL na ngayon sa serbisyo ng AFP at PNP,” wika ni Remulla.
Giit ni Remulla, ang kidnapping incident ay POGO-related.
”Ito ay resulta ng POGO. We suspect na ang biktima ay galing sa pamilya na nag-ooperate ng POGO dati,” ani Remulla.
Tinuran ni Remulla na ang mga sangkot sa krimen ay nananatili pa rin sa bansa.
”We will make sure that they will be neutralized at the soonest possible time,” pahayag ng opisyal.
Samantala, sinabi ni Remulla na natagpuang patay ang driver ng bata sa ibang sasakyan.
May ilang piraso rin ng ebidensya ang na-recover sa sasakyan.
Nang tanungin kung ano ang motibo ng kidnapping, sinabi ni Remulla na ang lahat ng ito ay tungkol sa pera.
Patuloy naman ang ginagawang manhunt operations ng mga awtoridad para sa mga salarin ng krimen. Kris Jose