Home NATIONWIDE Senado pwedeng humirit kay PBBM ng special session sa VP Sara impeachment...

Senado pwedeng humirit kay PBBM ng special session sa VP Sara impeachment – Palasyo

MANILA, Philippines- Maaaring ituloy ng Senate majority ang pagpapadala ng liham kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para hilinging ipag-utos ang pag-convene ng special session para sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Ito ang naging pahayag ni Press officer Claire Castro sa gitna ng “deadlock” sa pagitan nina Pangulong Marcos at  Senate President Francis “Chiz” Escudero, kapwa iginiit ang direktiba na ang pagsasagawa ng special session ay dapat na manggaling sa iba.

“Siguro kung majority ang gusto na umpisahan na ang impeachment trial, mas maganda sila ang makipag ugnayan sa Pangulo. Sila ang sumulat. Sila ang mag-request kahit hindi kumikilos ang Senate President,” ayon kay Castro.

Tinanong kasi si Castro ukol sa parehong rekomendasyon na ginawa ni Manila Third District Rep. Joel Chua.

“Kasi kung majority naman ang nagnanais nang ituloy ito, hindi naman dapat na iisang tao lang ang magde-decide nito—ang Senate president,” anito.

“Maaari silang humingi at mag request sa pangulo ng special session kung meron silang majority na matatatawag,” dagdag niya.

At nang tanungin kung sino ang dapat na magpasimula ng liham kay Pangulong Marcos, sinabi ni Castro na sa pagkakataong ito, maaaring si Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel ang gumawa nito.

Ito’y dahil si Pimentel din kasi ang sumulat kay Escudero na agarang kumilos sa impeachment complaint laban kay Duterte.

Tinuran ni Castro na maaaring tanggapin ni Pangulong Marcos ang liham, dahil umaayon ito sa dating statement na hihintayin niya ang letter of request mula sa Senado na magsagawa ng special session bago pa siya tumawag nito.

“Itatanong natin dahil sinabi naman nya na ‘pag humiling ang Senado na magpatawag ng special session, ‘yun naman ay kanyang tutugunan. So tingnan natin. Maaari po dahil ‘yan naman ang sinabi ng Pangulo,” wika pa niya.

Si VP Duterte ay na-impeach sa Kamara noong Pebrero 5.

Isang petisyon naman ang isinumite sa Korte Suprema noong Pebrero 18 na naglalayong harangin ang impeachment move laban kay VP Sara. Kris Jose