Home METRO Daan-daang bala ng baril nasamsam sa senior

Daan-daang bala ng baril nasamsam sa senior

ENRILE, Cagayan – Daan-daang piraso ng bala ng matataas na kalibre ng baril ang nasamsam sa Enrile, Cagayan.

Sa bisa ng Search Warrant No. 27-2025 na ipinalabas ni Hon. Jezarene C. Aquino na inisyu ng RTC, Second Judicial Region, Branch 5, Tuguegarao City, hinalughog ng mga operatiba ang tirahan ng isang indibidwal na kinilalang si alyas Bilis, 67-anyos, may asawa, at residente ng Brgy. II, Enrile, Cagayan.

Sa naturang operasyon, nakumpiska ng mga kawani ng Regional Mobile Force Battalion 2 (RMFB2), katuwang ang RID2, RECU 2, 1st CPMFC, at Enrile Police Station ang isang (1) link ng caliber 5.56mm na naglalaman ng 208 piraso ng bala na nakaimbak sa isang box.

Nakuha rin sa lugar ang isang galoon na naglalaman ng 461 pirasong bala ng 5.56 na rifle, at 77 bala ng Cal. 30 carbine rifle.

Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition) na may kaugnayan sa Omnibus Election Code ang suspek. Rey Velasco