UNITED STATES – Nangako si Donald Trump noong Biyernes na magpapataw ng karagdagang 10 porsiyentong taripa sa mga inaangkat na produkto sa United States, matapos ibasura ng Supreme Court of the United States ang marami sa kanyang malawak at biglaang ipinataw na duties.
Sa botong 6-3, nagpasya ang korte na ang 1977 law na International Emergency Economic Powers Act (IEEPA), na ginamit ni Trump upang magpataw ng biglaang taripa sa iba’t ibang bansa, “does not authorize the President to impose tariffs.”
“I’m ashamed of certain members of the court, absolutely ashamed, for not having the courage to do what’s right for our country,” ani Trump sa mga mamamahayag. “I think it’s an embarrassment to their families.”
Sinabi ni Trump na gagamit siya ng ibang kapangyarihan upang magpatupad ng uniform 10 percent tariff. “In order to protect our country, a president can actually charge more tariffs than I was charging in the past,” aniya, at iginiit na ang desisyon ay nag-iwan sa kanya ng “more powerful.”
Ayon kay Treasury Secretary Scott Bessent, ang alternatibong hakbang ay “will result in virtually unchanged tariff revenue in 2026.”
Hindi apektado ng desisyon ang hiwalay na sector-specific tariffs sa steel, aluminum at iba pang produkto, at maaari pang magbunga ng dagdag na taripa ang mga patuloy na imbestigasyon ng pamahalaan.
Ito ang pinakamalaking pagkatalo ni Trump sa Korte Suprema mula nang bumalik siya sa White House. Nauna nang nagdesisyon ang korte sa kasong Trump v. United States na may immunity siya sa prosekusyon para sa “official acts” noong una niyang termino.
Sinabi ni Chief Justice John Roberts na kung nais ng Kongreso na bigyan ang pangulo ng kapangyarihang magpataw ng taripa sa ilalim ng IEEPA, malinaw sana itong isinulat sa batas. “IEEPA contains no reference to tariffs or duties,” aniya.
Bahagyang tumaas ang stock prices sa Wall Street matapos ang desisyon, at ikinatuwa ito ng ilang business groups tulad ng National Retail Federation na nagsabing nagbibigay ito ng “much-needed certainty.”
Gayunman, hindi tinalakay ng korte ang usapin ng refund sa mga kumpanyang nagbayad ng taripa. Sinabi ni Trump na maaaring tumagal ng ilang taon ang litigasyon tungkol dito. Ayon sa University of Pennsylvania’s Penn Wharton Budget Model, maaaring umabot sa $175 bilyon ang refunds.
Nanawagan si Gavin Newsom na ibalik ang “illegal cash grab” na may interes, habang nagbabala si Sen. Elizabeth Warren na wala pang malinaw na legal na mekanismo para maibalik ang perang nabayaran na ng mga konsumer at maliliit na negosyo.
Tinataya ng Budget Lab ng Yale University na ang average effective tariff rate ay nasa 9.1 porsiyento matapos ang desisyon, mas mababa sa dating 16.9 porsiyento ngunit pinakamataas pa rin mula 1946, maliban noong 2025.
Sinabi ng European Union at Britain na kanilang pinag-aaralan ang desisyon. Ipinahiwatig din ni Trump na mananatili ang mga trade deal na napagkasunduan sa ilang bansa, kabilang ang India.
Samantala, sinabi ng Canada na ipinapakita ng desisyon na “unjustified” ang mga taripa, ngunit nagbabala si Candace Laing ng Canadian Chamber of Commerce na dapat maghanda ang bansa sa mas mabibigat at posibleng mas magulong hakbang sa kalakalan. RNT/MND