MANILA, Philippines – Dalawa pang kaso ng mpox ang naitala sa bansa kung saan isa sa Metro Manila at isa sa CALABARZON, ayon sa Department of Health (DOH) nitong Miyerkules, Agosto 28.
Dahil dito ay umakyat na sa 14 ang kaso ng mpox sa bansa mula Hulyo 2022.
Sa nabanggit na bilang, siyam ang nakarekober na mula 2023 habang lima ang aktibong kaso na naghihintay mawala ang kanilang mga sintomas.
Ayon sa DOH, ang ika-13 kaso ay isang 26-anyos na babae mula National Capital Region (NCR), na nagsimulang magpakita ng sintomas ng mpox noong Agosto 20 kabilang ang rashes sa mukha at likod na sinamahan pa ng lagnat.
Samantala, ang ika-14 na kaso naman ay isang 12-anyos na lalaki mula CALABARZON na may sintomas mula pa Agosto 10.
Una itong nagkaroon ng lagnat at kalaunan ay nagkaroon ng rashes sa mukha, hita, trunk at pubic area hanggang sa iba pang bahagi ng katawan.
Inuubo rin ito at may namamagang lymph nodes sa groin area.
Sinabi ng DOH na ang dalawang bagong kaso ay nahawaan ng MPXV Clade II, na mas mild na uri ng mpox virus.
“Initial investigation is consistent with earlier findings of local transmission of clade II. Details are being verified as to how close and intimate, skin-to-skin contact may have taken place,” dagdag pa. RNT/JGC