MANILA, Philippines – Dumaong sa Port of Manila nitong Sabado, Hunyo 21 ang dalawang warship ng Japan Maritime Self-Defense Force (JMSDF) bilang bahagi ng deployment program ng Japan para palalimin ang seguridad at kooperasyon sa Indo-Pacific region.
Mainit na sinalubong ng Philippine Navy ang JS Ise, isang Hyuga-class helicopter destroyer, at JS Suzunami, isang Takanami-class destroyer.
Tampok sa pagdating ng mga barko ang disembarkation ceremony ng mga naval officer mula sa iba’t ibang bansa na lumahok sa Ship Rider Cooperation Program.
Ayon sa embahada ng Japan sa Pilipinas, ang pagbisita ng mga JMSDF vessel ay bahagi ng serye ng joint training exercises kasama ang mga hukbong dagat ng mga bansang aktibo sa rehiyon.
“These engagements serve to enhance the tactical capabilities of the JMSDF, foster mutual understanding and trust among participating navies, and deepen multilateral defense cooperation,” saad sa pahayag.
Dagdag pa ng embahada, ang inisyatibong ito ay patunay ng patuloy na pangako ng Japan sa kapayapaan, katatagan, at pagpapanatili ng rules-based maritime order sa Indo-Pacific.
Noong Hulyo 2024, nilagdaan ng Pilipinas at Japan ang Reciprocal Access Agreement (RAA) upang mas paigtingin ang defense cooperation ng dalawang bansa sa gitna ng lumalalang tensyon sa South China Sea.
Bago ito, naglabas ng joint vision statement ang mga lider ng Pilipinas, Japan, at Estados Unidos na nagsasaad ng posibilidad ng mas marami pang pinagsamang naval training at suporta sa defense modernization ng bansa.
Kamakailan lamang, nagsagawa rin ng ikalawang bilateral maritime cooperative activity ang Philippine at Japanese navies—isang hakbang na paulit-ulit na tinututulan ng China kaugnay sa mga pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea. RNT/JGC