MANILA, Philippines – Pasado na sa Kamara sa ikalawang pagbasa ang dalawang panukala na naglalayong mabigyan ng dagdag proteksyon ang mga overseas Filipino workers (OFWs).
Sa pamamagitan ng voice voting pasado na ang House Bill (HB) 10959 o OFW Remittance Protection Act na nakatuon para mabigyan ng 50-percent discount sa remittance fees ang mga OFWs.
Ipinaliwanag ni House Speaker Martin Romualdez na matatapyasan ng 50 porsiyento ang fee na sinisingil ng mga banko at non-bank financial intermediaries sa remittance fee at ang kapalit naman nito ay makakatanggap ng tax deductions ang mga banko.
Ani Romualdez, nakapaloob din sa panukala na hindi papayagan ang mga banko na magtaas ng remittance fee nang walang pahintulot ng Department of Finance (DOF), Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at Department of Migrant Workers (DMW).
Lusot na din sa Kamara ang HB 10914 o Free OFW Financial Education Act.
“The measure mandates all OFWs to undergo financial education seminars, which will be incorporated into the Pre-Departure Orientation Seminar (PDOS) for departing workers” ani Romualdez.
Ang training ay tuloy tuloy na gagawin upang mabigyan ng kaalaman ang mha OFWs pagdating sa paghawak ng kanilang finances at makaiwas din sa mga investment scams.
Sinabi ni House Deputy Majority Leader at Tingog Party-list Rep. Jude Acidre, na syang nagsponsor ng panukala sa House plalenary na maganda ang timing ng gagawing financial literacy training sa harap na rin ng naglipanang mga scam na ang mga OFWs ang tinatarget na biktimahin.
“The training will cover subjects such as consumer protection, safeguarding mortgaged properties, avoiding exorbitant loan interest rates, and understanding credit information, particularly for micro and small-scale enterprises” paliwanag ni Acidre.
Sa oras na maisabatas ang Department of Migrant Workers (DMW) ang syang lead agency na magpapatupad ng panukala. Gail Mendoza