MANILA, Philippines – PINAWI ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pangamba ng ilang mambabatas ukol sa di umano’y ‘mga butas’ sa Executive Order No. 74, ang agarang pagbabawal o pag-ban sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), internet gaming at iba pang uri ng offshore gaming operation sa bansa.
Pinuna kasi ni Senadora Risa Hontiveros ang ilang umano’y mga butas sa EO ni Pangulong Marcos laban sa POGO ops.
Ang mga ‘napunang butas’ ng senador sa EO ay ‘mga butas’ na nagbibigay pagkakataon sa mga POGOs na makapagpatuloy ng operasyon sa loob ng mga casino at freeports.
Sinabi ni Hontiveros na hindi kasi hayagang idineklara ng Executive Order No. 74, na pirmado ni Pangulong Marcos Jr. noong Nobyembre 5, ang ban sa mga POGO na sakop ang lahat ng mga establisyimento na wala sa ilalim ng pangangasiwa ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (Pagcor).
Ang buweltang tugon naman ng Pangulo,“They cannot. There’s just no way because it’s the nature of the operation that we are banning.”
“Basta’t POGO yan, basta’t ganyan ang operasyon nila, they’re banned,” diving pahayag ng Pangulo.
Giit pa ng Pangulo, ipinatupad ang POGO ban ”not because it’s under PAGCOR or not.”
Matatandaang, sa Executive Order No. 74 kasi na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin na may petsang Nobyembre 5, 2024, nakasaad dito na hindi papayagan ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na aprubahan ang mga bagong lisensya at hindi na rin papayagan ang renewal o extension ng lisensya.
Nakasaad din sa EO ang tuluyang paghinto ng operasyon sa Disyembre 31, 2024 o mas maaga pa dito.
At nang tanungin kung kakailanganin ang batas maliban sa EO, sinabi ni Pangulong Marcos na ang pinakabagong pagpapakabas ng kautusan ay sapat na para ipagbawal ang POGOs sa bansa. Kris Jose