Home METRO DAR, BJMP sanib-pwersa sa pagtulong sa mga magsasaka

DAR, BJMP sanib-pwersa sa pagtulong sa mga magsasaka

MANILA, Philippines- Nagsanib-pwersa ang Department of Agrarian Reform (DAR) at ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa lalawigan ng Cebu upang patuloy na masuportahan ang mga agrarian reform beneficiary (ARB) at masiguro ang kanilang matatag na merkado, gayundin ang kanilang mga organisasyon.

Sa press statement ng DAR ang partnership ay ipinatupad sa pamamagitan ng Enhanced Partnership Against Hunger and Poverty (EPAHP) program, isang programa ng pamahalaan na tumutugon sa mga problema ng seguridad sa pagkain, kagutuman at kahirapan sa pamamagitan ng pagtutulungan at pagsasama-sama ng mahahalagang serbisyo ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno.

Sa ilalim ng marketing agreement, ang Carcar Communities & Farmers Multipurpose Cooperative sa Carcar City at ang Alpaco Agrarian Reform Farmer Beneficiaries Cooperative sa Naga City ay magtutustos ng kanilng mga gulay, prutas at iba pang produktiong pang-agrikultural sa BJMP, partikular sa mga persons deprived of liberty, sa mga siyudad ng Naga, Carcar at Talisay.

Ayon kay DAR Regional Director Leomides Villareal ang aktibidad na ito ay isang muling pagsasanib sa pagitan ng dalawang ahensiya dahil sa tagumpay nito sa nakaraang pagsasanib.

“It is imperative on our part to sustain what we have started in raising the income and productivity of our ARBs, as well as, helping the government in mitigating hunger and poverty in the country,” ayon dito.

Idinagdag pa ni Villareal na ang partnership ay nagbibigay-kontribusyon sa pagtitiyak ng seguridad at kasapatan sa pagkain sa lalawigan.

Ang gawaing ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay DAR Secretary Conrado Estrella III na mai-angat ang pamumuhay ng mga magsasaka sa buong bansa. Santi Celario

Previous articleTop 9 most wanted person, timbog sa Caloocan
Next articleImee namahagi ng ayuda sa Pampanga, Tarlac