CAGAYAN, Philippines – Inaresto ng mga awtoridad ang dating hepe ng Land Transportation Office (LTO) sa bayan ng Tuao, matapos isilbi ang search warrant sa kanyang bahay at nakuhanan ito ng baril at mga bala, nitong Sabado.
Ayon kay PCAPT Shiela Joy Fronda, information officer ng Cagayan Police Provincial Office, naaresto ang suspek na si alyas “Dante” sa kanyang bahay sa Barangay Villarey sa bayan ng Piat.
Nakuha sa bahay ng suspek ang isang .9mm na baril na may magazine at mga bala, isa pang magazine na may laman din na mga bala, at isang kahon ng mga bala na umaabot sa 42 piraso para sa nasabing baril.
Hiningan ng mga awtoridad ang suspek ng dokumento sa kanyang baril at mga bala pero bigo itong maipakita.
Nahaharap ngayon sa kasong Illegal Possession of Firearms and live ammunitions ang suspek.
Habang sinusulat ang ulat na ito ay nagbigay na pahayag ang suspek. /Mary Anne Sapico