MANILA, Philippines – Pinag-aaralan ng Environmental Management Bureau-National Capital Region (EMB-NCR) ang paghahain ng posibleng kasong kriminal, administratibo at sibil laban sa Philippine Ecology Systems Corp. (PhilEco), dating operator ng Navotas Sanitary Landfill, kasunod ng malawakang sunog sa tambak ng basura na nagdulot ng smog sa ilang bahagi ng Metro Manila.
Sinabi ni EMB-NCR officer-in-charge regional director Atty. Janice Pammit na ipinatawag na ang PhilEco sa isang technical meeting sa Abril 16 habang sinusuri ng mga awtoridad ang mga legal na hakbang na maaaring isampa laban sa kumpanya.
Ayon kay Pammit, bigong makumpleto ng PhilEco ang Safe Closure and Rehabilitation Plan (SCRP) nang lisanin nito ang pasilidad noong Pebrero 2026, dalawang buwan matapos mapaso ang permit nito noong Disyembre 2025.
Aniya, inaatasan sa ilalim ng Republic Act 9003 at DENR Administrative Order No. 2006-09 ang operator na tabunan ng lupa ang basura, magtanim ng vegetation, at maglagay ng gas ventilation pipes upang maiwasan ang pag-ipon ng methane gas na maaaring magdulot ng spontaneous combustion.
Sinabi ni Pammit na maliit na bahagi lamang ng 41-ektaryang landfill ang natabunan ng lupa. Sa isinagawang site inspection, nakita rin umano na may nawawalang gas ventilation pipes at hindi gumagana ang water treatment plant ng pasilidad.
Inaalam din, aniya, kung may mga paglabag sa Clean Water Act, Presidential Decree 1586 o Environmental Impact Statement System, at Republic Act 9003 kaugnay ng environmental compliance certificate ng kumpanya.
“We are considering, we’re studying all the legal remedies that we may file against the operator of the Navotas Sanitary Landfill,” ayon kay Pammit.
Dagdag niya, humihiling na rin ng pagpupulong ang EMB-NCR sa Office of the Solicitor General at binanggit na may nauna nang rekord ng administrative violations ang PhilEco, kabilang ang non-submission ng compliance monitoring reports, self-monitoring reports, at discharge permit violations.
Sa pahayag sa isang ulat, sinabi ng PhilEco na wala na itong kontrol sa landfill simula Pebrero 13, 2026 at iginiit na sa loob ng 20 taon nitong operasyon ay “there was not a single fire-related incident at the facility.”
Ayon sa kumpanya, pinalayas umano ng San Miguel Aerocity Inc. (SMAI) ang kanilang mga tauhan at kagamitan mula sa lugar matapos ang expropriation order at notice to vacate na ipinatupad ng court sheriff.
Sinabi rin ng PhilEco na nasimulan na nito ang pagpapatupad ng DENR-approved Safe Closure and Rehabilitation Plan bago pa man ito mawalan ng kontrol sa lugar.
Iginiit din ng PhilEco na nagbabala na ito noon sa Navotas court, pamahalaang lungsod, at DENR na ang planong cloverleaf interchange sa ibabaw ng landfill ay maaaring magdulot ng environmental risks gaya ng sunog, methane leaks, at leachate leakage.
Ayon sa EMB-NCR, nakatakda nang tapusin ang hindi pa nakukumpletong closure at rehabilitation plan ng Navotas sanitary landfill, bagamat hindi pa tukoy ang kinakailangang pondo. Santi Celario