MANILA, Philippines – Ibinulgar ng opisyal ng Department of Foreign Affairs (DFA) na ang personal data ng humigit-kumulang 28 milyong mga may hawak ng pasaporte ay nanganganib na makompromiso dahil sa kawalan ng cybersecurity system.
“Talagang nababahala kami sa seguridad ng aming mahigit 28 milyong passport holders’ data,” ani DFA Office of Consular Affairs Assistant Secretary Adelio Cruz sa Senate budget hearing.
“Ito ay isang bagay na talagang gusto naming protektahan,” sabi niya.
Idinagdag ni Cruz na “hindi sila masaya” sa government-owned and-controlled corporation na namamahala sa pag-imprenta ng mga pasaporte.
Tinukoy ni Sen. Loren Legarda, tagapangulo ng finance subcommittee, ang GOCC bilang “APO,” na tumutukoy sa APO Production Unit. RNT