Home HOME BANNER STORY Datu Odin Sinsuat isasailalim sa Comelec control

Datu Odin Sinsuat isasailalim sa Comelec control

MANILA, Philippines- Isasailalim sa Comelec control ang Datu Odin Sinsuat sa Maguinadanao del Norte kasunod ng pananambang sa isang election officer, sinabi ni Comelec Chairman George Garcia.

Inihayag ito ni Garcia matapos tanggihan ng Comelec en banc ang mga rekomendasyon na ilagay ang lalawigan sa ilalim ng kontrol ng poll body sa gitna ng napaulat na marahas na insidente sa lugar.

“Hindi na natin malalagay sa Comelec control ang buong probinsya– nakafocus kami sa Datu Odin Sinsuat,” sabi ni Garcia.

Ayon kay Garcia, isinasapinal ng Comelec en banc ang alituntunin na tumutukoy sa mga implikasyon kung ang isang lugar ay nasa ilalim ng Comelec control.

Ang kautouan ay magiging epektibo agad kasunod ng paglabas ng resolusyon.

Maalalang nasawi si Datu Odin Sinsuat election officer Atty. Maceda Abo at kanyang asawa matapos pagbabarilin ang kanilang sasakyan habang binabagtas ang Cotabato-Sharrif Aguak Road sa Barangay Makir.

Nauna nang sinabi ni Garcia na personal niyang irerekomenda na ilagay sa Comelec control ang Datu Odin Sinsuat kasunod ng malalang insidente.

Gayunman, iminungkahi ng ilan sa mga tauhan ng poll body na ilagay ang Maguindanao del Norte at Maguindanao del Sur sa ilalim ng Comelec control sa gitna ng mga ulat ng karahasan sa mga lalawigan bago ang Eleksyon 2025.Jocelyn Tabangcura-Domenden