MANILA, Philippines- Pinaratangan ng isang senador ang Gabinete ng administrasyon na nagsagawa ng “cover-up” sa isyu ng at proseso ng pagdakip kay dating Pangulong Rodrigo Duterte ng International Criminal Court (ICC) sa kasong crimes against humanity.
Sa ikalawang pagdinig ng Senate committee on foreign relations, sinabi ni Senador Imee Marcos na may itinatagong isyu o pamamaraan ang Gabinete ng administrasyon sa pagdakip kay Duterte kaya hindi dumalo sa imbestigasyon.
Tanging sina Senador Alan Peter Cayetano at Ronald “Bato” Dela Rosa ang pisikal na dumalo sa pagdinig kasama ang kinatawan ng Securities and Exchange Commission (SEC) at akademya.
Panandaliang dumalo naman si Senador Bong Go sa pamamagitan ng teleconference sa pagdingin saka nagpaalam matapos makitang walang dumalong miyembro ng Gabinete.
“Nirerespeto ko ang doktrina ng executive privilege pero pakantandaan natin hindi ito puwedeng gamitin bilang blanket shield, pangkalahatang pantago, para ilagan ang tanong at umiwas sa paanyaya ng Senado,” ayon kay Marcos.
“Hidden truths are unspoken lies. Ang katotohonang tinatago ay kasinunggalingan din. At mukhang ganu’n ang nangyayari ngayon sa pagtatago ng katotohan gamit ang executive privilege at subjudice, nagmimustulan tuloy may cover up sa mga nangyayari,” dagdag ng senador.
Kasabay nito, nagpahayag ng pagkadismaya si Cayetano sa inasta ng miyembro ng Gabinete sa hindi pagdalo sa imbestigasyon gamit ang “executive privilege” hinggil sa isinasagawang imbestigasyon ng Kongreso.
Sinabi ni Cayetano na nalalaman ng lahat ng kapag ganito kabigat ang tinatalay na isyu sa isang pagdinig o imbestigasyon, may kahihinatnan ang pagsasalita, may consequences ang pagdlo.
“But I think I was more than kind last hearing in terms of not pressing my questions kapag sinabi nilang sub-judice. But just to clarify, well settled na yan whether sa jurisprudence or sa history ng Senate na mere filing of a case or mere pendency of a case does not stop the hearing nor is it a reason for them not to discuss,” ayon kay Cayetano.
“We want accountability here in the Philippines at ‘yung tamang process. Whether you are pro- or anti-Duterte, we want and need the rule of law. Gusto natin ang tama,” aniya.
Sinabi pa ni Cayetano na base sa Republic Act No. 7438, tinitiyak ang karapatran ng indibidwal sa pag-aresto na ilang paalala na walang legal na palusot o shortcut na yuyurak sa civil liberties.
Kinuwestiyon din ni Cayetano ang paggamit ng sub judice rule at executive privilege partikular ng pangunahing opisyal na nabigong dumalo sa pagdinig.
Nilinaw nito na ibig sabihin ng sub-judice ay para protektahan ang judicial proceedings, hindi dapat maging hadlang sa imbestigasyon ng Kongreso.
“Kung ‘yan ang kaso, lahat ng ginagawa ng Senado o pati ng Tricomm at Quadcomm ng Kongreso ngayon, ang kailangan lang gawin ng witnesses nila ay magsampa ng kaso at itigil na ang hearing,” wika ng senador.
“Hindi sakop ng executive privilege si CIDG Acting Director General Nicolas Torre maliban na lamang kung direkta siyang pinagsabihan ng Presidente,” giit pa ni Cayetano.
Ipinunto rin niya ang inconsistencies kung paano ipinatutupad ng gobyerno ang rules paertikular ang pagpapanagot sa isang opisyal hinggil sa public statements.
“Kapag ordinaryong pulis o sundalo ang nagsalita, agad silang pinapanagot. Pero si General Torre, kahit ano sinasabi sa interviews, walang reprimand,” wika niya.
Kaya hinimok niya ang lahat ng lider na maging consistent sa pagpapatupad ng batas, dahil tinitingala sila ng ating tauhan ng gobyerno, pulis man hanggang guro, para sa guidance at halimbawa.
“Ang bata natututo sa gawa, hindi salita. Sana consistent tayo para hindi nalilito ang mga kawani ng gobyerno kung ano talaga ang tama at ano ang mali,” aniya.
Samantala, sinabi naman ni Dela Rosa na dumalo sa unang pagkakataon sa pagdinig na pumabor sa subpoena laban sa opisyal ng Gabinete na posibleng magkaroon ng “constitutional crisis.”
“Itong ginawa ng mga opisyales from the Executive branch of government is a total snub, as far as we’re concerned. Ito’y tahasang pagbalewala sa doktrina ng checks and balances ng ating gobyerno. Kung ayaw nila mag-attend ng hearing, ibig sabihin, ayaw nilang magpapa-check sa atin na co-equal branch of government,” pahayag ng senador.
“I think we’re now on a verge of a constitutional crisis kapag tuluyan nilang i-snub ang ating Konstitusyon. Wala nang mangyari, wala nang resputahan ito sa isang kapwa co-equal branch of government,” giit pa niya. Ernie Reyes