MANILA, Philippines – Naglabas ang Department of Budget and Management ng kabuuang P1.625 bilyon para mapunan ang quick response funds (QRF) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Public Works and Highways (DPWH) sa gitna ng epekto ng Southwest Monsoon, o Habagat, at ang sunud-sunod na bagyo na tumama sa bansa.
Sa nasabing halaga, sinabi ng DBM na P625 bilyon ang inilabas sa DSWD para sa pagbili ng mga family food packs at non-food items. Ayon sa departamento, 510,745 ang maaaring makinabang sa tugon ng DSWD.
Samantala, P1 bilyon ang inilabas sa DPWH para mapunan ang built-in QRF nito.
“Sinusunod po natin ‘yung utos ng Pangulo na gawing prayoridad ang kaligtasan at kapakanan ng mga kababayan nating nasalanta ng sunud-sunod na bagyo at mga pagbaha,” saad ni DBM Secretary Mina Pangandaman.
“Ang DSWD at DPWH po, kasama po ‘yan sa mga ahensya ng gobyerno na may built-in QRFs para masiguro na agad silang makatutugon sa oras ng kalamidad. Now, they’ve requested to have their QRFs replenished, so we released a total of P1.625 billion to both agencies,” dagdag niya.
Ang QRF ay isang standby fund para sa relief at recovery programs upang makatulong na gawing normal ang sitwasyon sa mga lugar na tinamaan ng mga sakuna, kalamidad, o epidemya.
Maaaring humiling ng replenishment ang mga concerned agencies kapag umabot na sa 50% ang kanilang QRF balance, sabi ng DBM.
Ayon sa pinakahuling tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, kabuuang 4,679,046 katao o 1,295,808 pamilya ang naapektuhan ng masamang panahon sa lahat ng rehiyon maliban sa Eastern Visayas.
Ang rehiyon na may pinakamalaking bilang ng mga apektadong indibidwal ay ang Central Luzon na may 2,296,607, sinundan ng Ilocos Region na may 668,352 at Metro Manila na may 399,392. RNT/MND