MANILA, Philippines – INAPRUBAHAN ng Department of Budget and Management (DBM) ang pagpapalabas ng P875 million para punan ang Quick Response Fund (QRF) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ang hakbang na ito ay alinsunod sa naging direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan para tiyakin ang ‘disaster response at recovery funds.’
Huhugutin ang pondo mula sa National Disaster Risk Reduction and Management (NDRRM) Fund sa ilalim ng 2024 budget.
“Alam po natin na mahalaga ang papel ng DSWD sa pag-alalay at pagtugon sa pangangailangan ng ating mga kababayan lalo’t sunud-sunod po ang nangyaring mga kalamidad,” ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman.
“Kaya nung nag-request po sila na i-replenish ang kanilang QRF, agad po natin ‘yang tinugunan bilang pagsunod din po sa direktiba ni Pangulong Bongbong Marcos na siguruhing may nakaantabay tayong pondo para sa anumang sakuna,” ayon pa rin sa Kalihim.
Ang NDRRM Fund ay maaaring gamitin bilang karagdagang funding source para sa QRF ng mga nagpapatupad na mga ahensiya pag dating sa balance na umabot sa 50%, subject ito sa magiging pag-apruba ng DBM.
“As of October, DSWD’s available QRF balance has reached below the 50 percent threshold at P557.77 million or 31.87 percent of its current appropriations,” ayon sa DBM.
“The replenishment is intended for the procurement of family food packs and non-food items for the stockpiling of relief resources in DSWD warehouses, and the implementation of cash for work for the affected families of Typhoon Julian (international name Krathon) in Region 1,” ang sinabi pa rin ng departamento.
“Malaking bagay po ang pondong ito para tuluy-tuloy na makapagbigay ng tulong ang DSWD sa mga pamilyang nasalanta ng bagyo,” ang sinabi ni Pangandaman. Kris Jose