Home NATIONWIDE De Lima: China patuloy na “entitled bully” sa West Philippine Sea

De Lima: China patuloy na “entitled bully” sa West Philippine Sea

32
0

MANILA, Philippines – Binatikos ni Mamamayang Liberal (Ml) Party-list Rep. Leila de Lima ang umano’y “entitled bully” na kilos ng China kaugnay ng patuloy na tensyon sa West Philippine Sea, kasabay ng usapin ng posibleng joint energy exploration.

Ayon kay De Lima, kasama ang mga miyembro ng minority bloc sa House of Representatives, pinuri nila ang Philippine Coast Guard sa pag-monitor at paghamon sa isang barko ng China Coast Guard na na-detect na nasa layong 50 nautical miles mula sa Zambales.

“We laud the [PCG] for defending and asserting that what is ours is ours. Ipinakikita nito ang ating paninindigan at pinatutunayan na hindi tayo magwawalang-kibo sa panghihimasok ng dayuhan sa ating sariling bakuran,” ani De Lima.

Dagdag niya, ang hindi umano pag-acknowledge ng China sa radio challenges habang nasa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas ay nagpapakita ng “behavior of a superpower who feels entitled to bully others.”

Kasama ring nagpahayag ng pagkondena si Dadah Kiram Ismula sa umano’y “brazen intrusion” ng China at pagsasagawa ng illegal patrols sa EEZ ng Pilipinas.

Giit niya, hindi dapat pinagkakatiwalaan ang China sa joint energy exploration hangga’t hindi nito kinikilala ang 2016 Arbitral Award na pabor sa Pilipinas.

“We should first recognize and respect the 2016 Arbitral Award…” aniya, at iginiit na dapat may pananagutan ang China sa pinsalang ginawa sa karagatan.

Sinang-ayunan ito ni Perci Cendaña, na nagsabing hindi magkakaroon ng maayos na usapan kung babale-walain ang international law.

Binigyang-diin din ni De Lima na ang pagtanggi ng China na tumugon sa radio challenges malapit sa Zambales ay paglabag sa Philippine Maritime Zones Act at international law.

Samantala, tiniyak ng Department of Foreign Affairs na ang anumang posibleng joint oil and gas exploration ay susunod sa Konstitusyon at batas ng Pilipinas, at igigiit ang soberanya sa EEZ.

Sa huli, nanawagan si De Lima na palakasin pa ang ugnayan sa mga regional allies at ipasa ang House Bill No. 5131 o “Revised Philippine Coast Guard Law” upang palakasin ang kapasidad ng PCG sa pagdepensa ng teritoryo. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here