Home NATIONWIDE Deadline sa pagbibigay ng tulong ng gobyerno sa typhoon-hit areas, walang deadline...

Deadline sa pagbibigay ng tulong ng gobyerno sa typhoon-hit areas, walang deadline – PBBM

MANILA, Philippines – WALANG deadline ang pagbibigay ng tulong ng gobyerno sa mga nangangailangang Filipino lalo pa’t kung hihilingin ng mga ito na makabawi at makabangon mula sa epekto ng sunod-sunod na bagyo na humagupit sa bansa.

“Walang deadline po ito. Hangga’t kailangan ninyo na magkaroon pa ng food pack, magpapadala pa rin kami,” ang sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa kanyang naging pagbisita sa isang evacuation center sa Virac, Catanduanes.

Ani Pangulong Marcos, ang mga pamilyang nangangailangan na pansamantalang nanunuluyan sa mga kama-anak at kaibigan ay makatatanggap ng family food packs (FFPs) at iba pang tulong.

“Pati ‘yung mga na-displace, na nawalan ng tirahan, na napunta sa bahay ng kanilang kapitbahay, ng kanilang kamag-anak, ng kanilang kaibigan ay bibigyan rin natin ng food pack at tuloy-tuloy ang suporta po na ating gagawin,” ayon kay Pangulong Marcos.

Samantala, kasalukuyang nasa Virac si Pangulong Marcos para i-assess ang pinsala na iniwan ng Super Typhoon Pepito at personal na i- check ang kondisyon ng mga pamilya sa mga evacuation center.

Iniabot naman ng Pangulo ang P50 million sa provincial government ng Catanduanes upang kagyat na makatulong sa pagbawi ng mga apektadong komunidad.

Sa Catanduanes, may 11 mula sa 16 na munisipalidad ang lubhang apektado ng Pepito. Iniulat ang pinsala sa mga kabahayan, gusali ng pamahalaan, eskuwelahan at iba pang imprastraktura. Kris Jose