Home NATIONWIDE Deadline sa withholding tax filing ng online sellers pinalawig

Deadline sa withholding tax filing ng online sellers pinalawig

MANILA, Philippines – PINALAWIG ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang transition period para sa pagpapatupad ng one percent withholding tax sa mga online merchant.

Batay sa BIR memorandum circular no. 54-2024, ang mga electronic marketplace operator at digital financial services provider ay mayroon na ngayong hanggang Hulyo 14 ngayong taon para gumawa ng mga kinakailangang pagsasaayos bago magsimula ang aktwal na pagpapatupad ng withholding tax.

Matatandaan na unang itinakda ang deadline ng BIR ay noong Abril 14, 2024.

Nito lamang nakaraan ay isinapubliko ng BIR ang Revenue Regulations No. 16-2023 na nagbabalangkas sa pagpataw ng isang porsyentong withholding tax sa kalahati ng kabuuang remittances na ginawa ng mga e-marketplace operators at digital financial services providers sa mga merchant para sa mga produkto o serbisyong ibinebenta sa pamamagitan ng kanilang mga platforms.

Ang kabuuang remittance ay tumutukoy sa kumpletong halaga na natanggap ng mga operator o provider na ito mula sa mga transaksyong isinagawa sa kanilang mga platform.

“Inusog po ang deadline sa July 14, 2024 upang mas makapag-adjust ang mga electronic marketplace operators sa mga pagbabago na buhat ng Revenue Regulations No. 16-2023,” ani BIR Commissioner Romeo D. Lumagui Jr. Jay Reyes