Home NATIONWIDE Dela Rosa tinawag na kaawa-awa ng Makabayan Bloc

Dela Rosa tinawag na kaawa-awa ng Makabayan Bloc

MANILA, Philippines – Para sa Makabayan Bloc, “pathetic” o kaawa-awa ang ipinapakita ngayon ni senatorial candidate Bato dela Rosa na pagtatago sa kanyang “parliamentary immunity” para makaiwas na maaresto ng International Criminal Court (ICC).

Ayon kay Kabataan Partylist Rep Raoul Manuel, nagkukumahog ngayon si dela Rosa na makakuha ng proteksyon at nais pang gamitin ang Senate Building para hindi maisilbi ang kanyang warrant of arrest.

“The desperate attempt to hide behind parliamentary immunity exposes the hollowness of the past administration’s bravado. The thousands of victims’ families deserve justice, not this shameful spectacle of powerful men cowering in fear of accountability,” pahayag ni Manuel.

Ipinaliwanag ni Manuel na malinaw sa Konstitusyon na ang Senado ay kaya lamang bigyan ng proteksyon sa pag-aresto ang mga miyembro nito kung may sesyon, subalit sa pagkakataon ngayon ay naka-recess ang Senado at Kamara.

Una nang sinabi ni dela Rosa na kanyang hihilingin ang proteksyon ni Senate President Chiz Escudero para hindi ito iturn-over sa ICC sakali man ipalabas na ang arrest warrant laban sa kanya.

Giit naman ni Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas na ang Senado ay hindi hideout ng mga kriminal.

Paalala ni Brosas kay dela Rosa na nang ito ang Chief PNP ay siya ang nanguna sa pagpapatupad ng EJK kaya ngayong panahon ng pag-uusig ay hindi ito dapat magtago at harapin ang kaso.

Patutsada pa ni Brosas na paiba-iba ang pahayag ni dela Rosa, aniya, noong una ay ipinagmamalaki ng senador na handa niyang samahan sa kulungan sa Netherlands si dating Pangulong Rodrigo Duterte subalit araw lang ang nakalipas ay nagpapakita na ito ng takot at hindi na susuko. Gail Mendoza