Home HOME BANNER STORY Delivery ng mga Balikbayan boxes, pinabilis ng DMW

Delivery ng mga Balikbayan boxes, pinabilis ng DMW

264
0

MANILA, Philippines – Pinabilis ng Department of Migrant Workers (DMW) ang paghahatid ng libu-libong matagal nang naantalang Balikbayan boxes na iniwan ng ilang forwarders.

Sa isang press briefing noong Huwebes, nagbabala si Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na maging maingat sa mga cargo forwarders na kanilang pinagkakatiwalaan.

Sinabi niya na nakikipagtulungan ang DMW sa Bureau of Customs (BOC) at sa mga susunod na araw, pangalanan ng departamento ang mga forwarders na tinawag niyang “scammers” na niloloko ang OFWs.

“Makikita ninyo na 95 porsyento nasa Mindanao na ang accomplishment rate. Ang susunod na task ay Manila,” sabi niya.

Pinangalanan ni Cacdac ang Makati Express bilang isa sa mga cargo forwarders na may pinakamaraming naantalang Balikbayan boxes.

“Itong pagbanggit sa Makati Express, kasi gusto natin mabigyan ng paunawa yung mga kababayan natin. Hindi lang Makati Express, sa mga susunod na araw, pangangalanan namin yung mga nagka-problema para alam ng mga kababayan natin kung sino yung mga nagka-problema in terms ng hindi door to door, door to pier. Hindi dumating,” paliwanag niya.

Ayon kay DMW Assistant Secretary Francis Ron De Guzman, ang mga matagal nang hindi nadeliver na package ay ipinapadala na o puwede nang kunin sa DMW regional offices.

Ang unang batch ng boxes na ibinigay ng BOC sa DMW ay binubuo ng 12 containers na may kabuuang 2,500 Balikbayan boxes mula sa Port of Davao. Umabot na ito sa 95 porsyentong delivery rate noong unang bahagi ng Nobyembre.

Ang natitirang boxes ay naapektuhan ng luma o hindi tamang addresses at hindi maabot na contact numbers dahil sa matagal na pagka-abandona, karamihan ay mula pa noong 2023.

“Patuloy kaming nakikipag-ugnayan sa mga local government units para matulungan ang mga tatanggap na kunin ang kanilang boxes. Hindi lang po ito kahon, pinaghirapan, at sagrado po ito sa ating mga OFWs,” sabi ni De Guzman.

Sinabi niya na inihahanda na ng DMW ang susunod na batch ng boxes sa Manila, at ang unang apat na containers mula sa Manila Container Port ay nakatakdang kunin sa susunod na linggo. Umaasa ang DMW na makapagsimula ng delivery bago ang holiday season.

Ayon kay De Guzman, ang Makati Express, na suspendido na, ay hindi naihatid ang 80 hanggang 90 containers ng Balikbayan boxes simula pa noong ikalawang quarter ng taon.

Pinatnubayan ng BOC at Department of Trade and Industry ang DMW sa mabilisang pagpapalabas ng mga stranded containers at imbestigasyon sa operasyon ng kumpanya. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here