DELUSIONAL na marahil ang ating Bise Presidente, si Inday Sara Duterte, kung inaakala niyang buong init siyang tatanggapin ni dating Vice President Leni Robredo sa oposisyon ngayong nabuwag na ang pakikipag-alyansa niya kay Bongbong Marcos na nabuo noong 2022.
Klaro ang kampo ni Robredo — walang posibilidad ng anomang pakikipagtulungan kay Sara. Sa katunayan, may dahilan kaya hindi nagkukwento si Sara tungkol sa pagbisita niya sa Naga, at hindi iyon dahil may mahalagang sekreto siyang kailangang ingatan.
Kung anoman, mukhang ayaw niyang magkwento na nabigo ang pagtatangka niyang mabigyang importansya. Kundi siya delusional, siya ay desperada, kapit-tuko sa mga nalalabi niyang opsyon upang maisalba ang survival niya sa pulitika ngayong gumuho na ang dating solido niyang mga alyansa.
Ang ideya na si Robredo — na ang naging kampanya noong 2022 ay tumuon sa pagkumbinsi sa bansa na iboykot ang mapang-aping legacy ng mga Marcos na labis na nakaapekto sa imahe ni Bongbong — ay magagawang makipag-alyansa sa parehong kamay na bakal na pulitika ng mga Duterte ay lubhang katawa-tawa.
Para sa mga asang-asa na magkakatotoo ang ambisyon ni Inday Sara sa 2028, pasensiyahan na lang tayo, pero hindi si Robredo ang tipong papatol sa political vanity at susuporta sa authoritarianism at korapsyon makabalik lang sa pinakamatataas na posisyon sa pulitika.
Hindi ‘yan mangyayari! Kakandidato si Robredo para maging susunod na alkalde ng Naga City at hindi niya kailangan ng suporta ng sinomang high-profile politician para maluklok sa pwesto.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).