NAG-SPRAY ng mosquito repellant ang isang lalaking ito sa bawat sulok ng kanyang tahanan matapos na opisyal na ideklara ng Quezon City Government ang dengue outbreak, habang ang kaso ay patuloy na tumataas. DANNY QUERUBIN
MANILA, Philippines – Iniulat ng Department of Health sa Caraga Region (DOH-13) ang tuloy-tuloy na pagbaba ng mga kaso ng dengue mula Abril 27 hanggang Hunyo 7, 2025. Bumaba ang kaso mula 248 (Abril 27–Mayo 10) sa 210 (Mayo 11–24), at naging 81 (Mayo 25–Hunyo 7).
Sa kabila ng pagbaba, umabot pa rin sa 4,472 ang kabuuang kaso mula Enero hanggang Hunyo 7. Ang Surigao del Sur at Bislig City ang may pinakamalaking pagbaba sa bilang ng kaso.
Ayon sa DOH-13, ito ay dahil sa pinaigting na kampanya laban sa lamok at pakikiisa ng mga lokal na pamahalaan. Hinihikayat ang publiko na agad magpakonsulta sa unang sintomas ng dengue at sirain ang mga lugar na pinamumugaran ng lamok.
Ang Agusan del Sur ang may pinakamaraming kaso (931), sinundan ng Surigao del Sur (819) at Surigao del Norte (697). Sa mga lungsod, kapwa may 392 na kaso ang Butuan City at Surigao City. RNT