MANILA, Philippines – Itinanggi ng Department of Environment and Natural Resources ang alegasyong nagpakawala ito ng pesticide habang may kilos-protesta sa labas ng Central Office nito sa Quezon City noong Linggo, at sinabing mula sa regular na disinfection activity ang mist na nakita sa lugar.
“We assure the public that the mist seen in the video was from routine defogging on Sundays. It is disinfectant mist, compliant with workplace hygiene standards. It is not used for crowd control,” pahayag ng DENR.
Itinanggi rin ng ahensiya na may lamang chemical agents para sa crowd control ang naturang mist.
Nauna nang inakusahan ng mga progresibong grupo at residente mula Southern Tagalog ang DENR na nagpakawala ng pesticide habang nagsasagawa sila ng protesta sa Visayas Avenue noong Hulyo 26 bilang bahagi ng caravan bago ang ikalimang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Kinondena ng mga raliyista ang umano’y mapanirang environmental policies at mga proyektong nakapinsala sa mountain ecosystems at nagpalikas sa mga komunidad.
Tinutulan din nila ang tinawag nilang “fake development” projects, kabilang ang ilang renewable energy projects sa iba’t ibang lalawigan sa Southern Tagalog na umano’y pumapabor sa malalaking negosyo at dayuhang interes.
Sa kabila ng alegadong pagpapakawala ng pesticide, ipinagpatuloy ng mga raliyista ang kanilang programa at nagsagawa ng simbolikong pagpapakalbo upang ilarawan ang pagkakalbo ng mga bundok at ipakita ang kanilang paninindigan sa pagtatanggol sa mga komunidad at kalikasan.
Binanggit din ng DENR ang opisyal na ulat ng Quezon City Police District na nagsabing “the protest rally held along Visayas Avenue ended peacefully with no untoward incidents.” Santi Celario