Home NATIONWIDE DepEd, DPWH nagkasundo sa pagpapabilis ng konstruksyon ng mga klasrum

DepEd, DPWH nagkasundo sa pagpapabilis ng konstruksyon ng mga klasrum

101
0

MANILA, Philippines – Pumirma ng bagong kasunduan ang Department of Education (DepEd) at Department of Public Works and Highways (DPWH) para pabilisin ang konstruksyon ng mga silid-aralan sa buong bansa at pagtugon sa classroom shortage na mahigit 144,000 units.

Pinangunahan nina Education Secretary Sonny Angara at Public Works Secretary Vince Dizon ang pagpirma ng memorandum of agreement (MOA), na nagtatakda ng unified framework para sa planning, design, at konstruksyon ng basic education facilities.

Sa ilalim ng kasunduan, padadaliin ng dalawang ahensya ang implementasyon ng Basic Education Facilities Program (BEFP), sakop ang konstruksyon, repair, replacement, at rehabilitasyon ng mga silid-aralan mula kindergarten hanggang senior high school.

Kabilang dito ang technical-vocational laboratories at pasilidad sa geographically isolated “Last Mile Schools.”

“Dahil sa malinaw na layunin ni President Bongbong Marcos na palakasin ang edukasyon, pinapabilis natin ang pagpapatayo ng dekalidad na classrooms. Target nating matugunan agad ang kakulangan at masiguro na may ligtas na espasyo para sa bawat mag-aaral,” ani Angara.

Idinagdag pa niya na inaasahang mapabubuti ng mas maigting na koordinasyon sa dalawang ahensya ang efficiency at pagsisigurong pasok ang proyekto sa aktwal na pangangailangan ng paaralan.

“Mas pinalakas din natin ang ugnayan ng DepEd at DPWH… Tinitiyak nating bawat proyekto ay mabilis, maayos, at nakatutok sa tunay na pangangailangan,” ani Angara.

Sinegundahan naman ni Dizon ang kahalagahan ng direktiba sa pagpapabilis ng implementasyon.

“It’s a testament… To act fast… Bilisan natin,” aniya.

Sa kasunduan, ang DepEd ay nakatalaga sa pagtukoy ng priority schools, pagsisiguro ng kahandaan ng lugar, at pagkuha ng permit, habang ang DPWH ang hahawak ng procurement, konstruksyon, at pagtugon sa safety standards.

Ang pondo naman ay ilalabas sa iba’t ibang bahagi habang ang DPWH ay obligadong magpasa ng regular na report para masiguro ang transparency at accountability.

Kabilang din sa programa ang probisyon para sa inclusive infrastructure, katulad ng disability access features at water at sanitation facilities sa pagpapabuti ng buong learning conditions. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here