Home NATIONWIDE DepEd mamamahagi ng P1.8B laptop, smart TVs sa mga paaralan

DepEd mamamahagi ng P1.8B laptop, smart TVs sa mga paaralan

MANILA, Philippines – Ipamamahagi ng Department of Education (DepEd) ang mahigit 62,000 laptop at smart TV packages na nagkakahalaga ng P1.8 bilyon sa mga paaralan sa buong bansa.

Sa kalatas, sinabi ng DepEd na ang tagumpay ngEarly Procurement Activities (EPA) ay dahil na rin sa naging pangako ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang naging State of the Nation Address.

“This year, our computerization programs will continue with the help of President Bongbong and my fellow cabinet members. Our goal is for each school to have an ‘e-cart’ or roving computer lab that all students can use. Additionally, we are providing various software tools to support our teachers,” pahayag ni DepEd Secretary Sonny Angara.

Hanggang noong Pebrero 4, 2025, iniulat ng ahensya ang tagumpay ng EPA para sa 23,614 smart TV packages; 33,539 laptops para sa mga guro at 5,328 laptops sa non-teaching personnel.

Ayon sa DepEd, nakatanggap ng pinakamataas na alokasyon para sa ICT equipment ang Region IV-A (CALABARZON), Region VI (Western Visayas) at Region VIII (Eastern Visayas).

Nagpatuloy ang rollout sa kabila ng P10 bilyong budget cut na naunang nakapag-antala sa computerization program ng DepEd. Dahil dito ay nabawasan ang orihinal na target na 800,000 laptops at smart TVs ngayong taon.

Nakikipag-ugnayan ang DepEd sa Department of Finance para maibalik ang pondo at masiguro ang uninterrupted implementation ng digital initiatives nito.

Layon ng inisyatibo na mapabuti ang low teacher-to-laptop ratio ng bansa. RNT/JGC