MANILA, Philippines- May ilang pampublikong paaralan sa buong bansa ang binigyan ng bagong learning tools gaya ng Smart TVs, laptops at textbooks kasabay ng Department of Education (DepEd) na pabilisin ang pagsisikap na gawing modernisado ang edukasyon sa ilalim ng ‘digital transformation agenda’ ng administrasyong Marcos.
Bilang tugon sa naging panawagan ng Pangulo para sa ‘future-ready at inclusive education system’, pinabilis ng Education Department ang Early Procurement Activities (EPA) nito.
Isa sa mga benepisaryo, ang Pagalanggang Elementary School sa Bataan, kamakailan ay nakatanggap ng limang Smart TV units.
Ang paghahatid ay bahagi ng DepEd’s FY 2025 EPA, nakakuha ng 79% ng taunang budget para sa Computerization Program ng departamento.
Sa ngayon, 33,539 laptops para sa mga guro at 5,360 para sa non-teaching staff ang binili at nagpapatuloy naman ang paghahatid.
Halos 26,000 Smart TV packages — ang bawat isa ay may external hard drives —ay nabili rin. Ang Region VII ay nakatakdang makatanggap ng mahigit sa 2,300 units, habang nagpapatuloy ang pagbili para sa Regions IX at Cordillera Administrative Region (CAR). Sa National Capital Region, may 1,340 laptops ay ipapamahagi sa 268 eskwelahan sa pagitan ng June 16 at 26.
Binigyang-diin naman ni DepEd Secretary Sonny Angara na, “Hindi lang ito basta pag-deliver ng gamit, ito’y paghahatid ng oportunidad.”
“Kapag dumadating na talaga sa mga paaralan ang mga kagamitan, doon natin nararamdaman ang tunay na pagbabago. Mas nagiging buhay ang pagkatuto, mas naaabot ng mga bata, at mas nakakagana para sa mga guro,” aniya pa rin.
Sa kabilang dako, pinabilis din ng DepEd ang paghahatid ng textbooks na naaayon sa binagong K to 10 curriculum.
“Titles for Grades 1, 4, and 7 are now 99 percent procured, while procurement for Grades 2, 5, and 8 is nearing 50 percent completion. Textbooks for Grades 6, 9, and 10 are expected to follow later this year, with distribution scheduled for 2026,” ayon sa ulat.
Patuloy namang ginagamit ng mga eskwelahan ang iba’t ibang supplementary learning resources, kabilang na ang ‘lesson exemplars, activity sheets, ADM modules, at decodable books’ na available sa Library Hubs.
Ang Digital content ay accessible sa pamamagitan ng platforms gaya ng DepEd Learning Management System, Learning Resource Portal, at Likha App.
Samantala, sinabi naman ng mga tagapagturo sa ground na ang early deployment ng learning tools ay tanda ng paglipat tungo sa proactive classroom management — itinuturing na pangunahing aspeto ng dekalidad na edukasyon. Kris Jose