Home HOME BANNER STORY DepEd nagpasaklolo sa NBI sa ‘ghost students’ sa SHS voucher

DepEd nagpasaklolo sa NBI sa ‘ghost students’ sa SHS voucher

MANILA, Philippines – Nagpasaklolo na ang Department of Education (DepEd) sa National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang umano’y iregularidad sa Senior High School (SHS) voucher program.

Tiniyak ni Education Secretary Sonny Angara ang buong pakikiisa sa imbestigasyon upang maiwasan ang pandaraya sa pamamagitan ng “ghost students” o hindi dokumentadong benepisyaryo.

Nagpatupad ang DepEd ng mas mahigpit na beripikasyon sa Voucher Management System (VMS) at Learner Information System (LIS).

Ang mga may hindi tugmang billing statement ay haharangin ang bayad hangga’t hindi ito naresolba. Magkakaroon din ng audit feature ang LIS upang subaybayan ang anumang pagbabago sa datos.

Tiniyak ni Angara ang pagiging bukas ng imbestigasyon at ang pakikipagtulungan sa mga mambabatas at iba pang ahensya ng gobyerno upang mapanatili ang integridad ng programa.

Inatasan din niya ang Executive Committee na magsagawa ng mga legal at administratibong hakbang upang maiwasan ang mga kahalintulad na insidente. Santi Celario