TININTAHAN ng buong tiket ni dating Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang isang manifesto bilang suporta laban sa “vote-buying” at “vote-selling” na isang paraan para sa malinis at patas na halalan sa darating na 2025 election.
Sa nasabing kaganapan, kasama ni Domagoso ang kanyang running mate na si Vice Mayoral candidate Chi Atienza, mga kandidato sa pagka-kongresista at konsehal, na pawang nangakong tanggihan ang anumang uri ng pandaraya sa halalan.
Ang nabanggit na seremonya ay inorganisa ng Commission on Elections (Comelec) at ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) na dinaluhan din ng mga kinatawan ng Department of Education (DepEd), Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), at ng Manila City Social Welfare Department.
Ang pagdalo ng buong tiket ni Domagoso ay pagpapakita lamang ng suporta ng dating alkalde sa Comelec at sa kanilang panawagan ng electoral integrity sa nalalapit na halalan.
Nabatid na hindi naman nakadalo ng personal sa nasabing seremonya ang iba pang kandidato sa pagka-Alkalde sa Maynila na sina Mayor Honey Lacuna at Congressman Sam Versoza ngunit nagpadala naman sila ng kanilang kinatawan.
Sa ilalim ng pamamahala ni Domagoso, agresibo niyang isinulong ang transparency sa pamamahala, magkaroon ng pinansiyal na pananagutan, malalaking proyektong pang-imprastraktura, at programang panlipunang pag-unlad.
Prayoridad ni Domagoso ang pagbabalik sa kalinisan, kaayusan, at kapanatagan ng mamamayan habang pa-iigtingin din niya ang pagbibigay ng serbisyong pangkalusugan, pabahay at kapakanang panlipunan.
“Citing reports from Divisoria as well as major roads of R-10 and Taft Avenue, the former Mayor pointed to worsening street congestion, rampant criminal activities, and growing disorder as major issues that need urgent intervention,” saad ng kampo ni Yorme.
“Aside from safety and cleanliness, Domagoso also vowed to revitalize public healthcare services, housing projects, and social welfare programs, which many Manileños said have been neglected,” dagdag pa nila.
Nito nga lamang nakaraang Linggo ay nagkaisa ang tatlong malalaking organisasyon sa Lungsod ng Maynila upang ibigay ang kanilang todo suporta sa kandidatura nina dating Mayor Isko Moreno, Chi Atienza, at buong talaan ng“Yorme’s Choice” sa nalalapit na 2025 midterm elections.
Kabilang sa mga nagsanib-pwersa ay ang Kababaihan ng Maynila, Kabalikat ng Bayan sa Kaunlaran (KABAKA), at Kaagapay ng Manileño na isinagawa Linggo ng hapon sa Ninoy Aquino Stadium na dinaluhan ng libo-libong mga taga-suporta. JR Reyes