MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Education (DepEd) nitong Biyernes, Nobyembre 29 na humiling ito sa mga pribadong financial institution para sa moratorium sa loan ng mga teaching at non-teaching personnel na naapektuhan ng mga nagdaang bagyo.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, sa kanyang request letter ay hiniling nito ang tatlong buwang moratorium simula Enero 2025 at ang pagbabayad ay magpapatuloy sa Abril 2025.
“I sincerely hope that, in times of need, even the private sector, including the esteemed financial institution, would find reason to extend to them this much-needed help,” sinabi ni Angara.
Kabilang sa moratorium ang lahat ng DepEd personnel na naninirahan at nagtatrabaho sa calamity areas na idineklara ng Office of the President, local government units, o Office of Civil Defense mula noong Setyembre.
Dagdag pa, humiling din ang DepEd para sa moratorium sa loan payments due sa Disyembre 2024 at ang pagbabayad ay magpapatuloy sa Enero 2025. Sakop nito ang lahat ng charges, costs at interests.
Ganito rin ang naging hiling ng ahensya sa Government Service Insurance System (GSIS).
Dahil dito, makikipag-ugnayan ang DepEd sa Bangko Sentral ng Pilipinas na huwag iklasipika ang loans na subject sa moratorium bilang non-performing loans, particular na ang mula Disyembre 2024 hanggang Marso 2025. RNT/JGC