MANILA, Philippines – Ikinokonsidera ng Department of Migrant Workers (DMW) ang deployment ban ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Kuwait.
Ito ay dahil sa pinakabagong insidente ng pagkasawi ng dalawang OFW na sina Dafnie Nacalaban at Jenny Alvarado, sa naturang bansa.
Si Nacalaban, na iniulat na nawawala noong Oktubre ay natagpuang patay sa isang bahay ng Kuwaiti.
Iniulat namang nasawi si Alvarado dahil sa coal smoke inhalation sa lugar na kanyang pinagtatrabahuhan, kasama ang katrabahong Nepalese at Sri Lankan.
Dagdag pa na maling bangkay ang naiuwi sa Pilipinas na ikinagalit ng pamilya ng biktima.
Dahil dito, pinalutang ni Migrant Workers Secretary Hans Cacdac ang posibilidad ng deployment ban sa Kuwait.
“At this stage, what I could say is the President is informed about the situation, the cases,” ani Cacdac.
Kasalukuyang pinagbabawalan ng bansa ang mga first-timer na maging domestic workers sa Kuwait.
Anang opisyal, ikinokonsidera rin ng ahensya ang magpatupad ng mas mahigpit na panuntunan at requirements sa deployment ng Filipino migrant workers sa Kuwait.
“At kung sa pagsusuri natin ay makakatulong ang suspension of deployment ay gagawin din natin ‘yan. Ang isa din kasing sinasaalang-alang natin siyempre meron din kasing mga kababayan natin na ligtas naman ang kanilang employment at pinag-iisipan din natin ‘yung opportunities nung mga kababayan natin with respect to employment nila,” sinabi ni Cacdac.
Mayroong 215,000 OFWs ang nasa Kuwait sa kasalukuyan. RNT/JGC