Home HOME BANNER STORY Pahayag ni PBBM, nagpahina sa pagsusulong ng impeachment vs VP Sara –...

Pahayag ni PBBM, nagpahina sa pagsusulong ng impeachment vs VP Sara – solon

MANILA, Philippines – Sinabi ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Representative France Castro nitong Sabado, Enero 18 na ang pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nagpahina ng pagsusulong na patalsikin si Vice President Sara Duterte sa pamamagitan ng impeachment.

“Tingin ko ang isa sa mga factor na nagpapahina sa atin ay ang mga statement ni Presidente. Sorry po ah, kasi sinasabi ni Presidente ay hindi raw napapanahon ng impeachment,” pahayag ni Castro kasabay ng pro-impeachment rally sa EDSA People Power Monument sa Quezon City.

Hindi sinang-ayunan ni Castro ang ideya na kulang na sa oras ang impeachment process at sinabing mayroon nang tatlong impeachment complaint ang nakahain mula pa noong Disyembre.

“Hindi ko masasabi na kulang sa panahon,” aniya.

Ang tatlong impeachment complaints ay may kinalaman sa alegasyon ng maling paggamit ni Duterte ng confidential funds.

Nakatakdang ipadala ni House Secretary General Reginald Velasco ang mga reklamo patungo sa opisina ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez na bibigyan naman ng 10 araw para isama ito sa Order of Business ng Kamara.

Sa oras na maipasa sa plenaryo, mayroon itong tatlong araw para ipasa naman ang reklamo sa
House Justice Committee.

“Kaya ang pagpapanagot kay Sara Duterte ay wala sa sinasabing panahon. Kung gugustuhin, talagang mangyayari po itong impeachment na ito,” ani Castro.

Dagdag pa, sinabi rin ng mambabatas na naghihintay pa sila sa ikaapat na impeachment complaint na ihahain mula sa House majority bloc.

Wala pang tugon si Duterte kaugnay nito.

Matatandaan na sinabi ni Marcos noong nakaraang taon na hindi siya sang-ayon sa impeachment laban kay Duterte. RNT/JGC