Home NATIONWIDE Designated parks, zones para sa mga drone sinisilip ng CAAP

Designated parks, zones para sa mga drone sinisilip ng CAAP

MANILA, Philippines- Pinangunahan ng Civil Aviation Authority of the Philippines Civil Security and Intelligence Service (CAAP CSIS) kasama ang Office of the Director General (ODG) ang inter-agency meeting na naglalayong pahusayin ang pangangasiwa sa regulasyon at hikayatin ang responsableng paggamit ng drone na isinagawa sa Cebu City.

Nabatid na kasama sa nasabing pagpupulong ang Department of Trade and Industry (DTI), Philippine National Police Aviation Security Group (PNP-AVSEGroup), at Office of the President’s Anti-Terrorism Council.

Nabatid na layon ng nasabing pagpupulong ay ang pagtatatag ng mga itinalagang drone park o zone, mag-alok ng ligtas at legal na lugar na may permiso para sa recreational at professional drone.

Upang isulong ang pagsunod sa mga regulasyon, plano ng CAAP na magpatupad ng isang madaling online registration system kasama ng isang komprehensibong programa sa kaligtasan.

Tinalakay din ang pagpapalakas ng pagpapatupad ng kasalukuyang mga regulasyon ng drone, pagpapasimple ng mga pamamaraang pang-administratibo para sa mga operator ng drone, at pagpapabuti ng kooperasyon ng mga ahensya.

Ang nasabing inisyatiba ay upang matiyak ang kaligtasan ng airspace habang nagpo-promote ng inobasyon sa teknolohiya ng drone at tinitiyak na naaayon ang mga regulasyon sa pag-unlad ng industriya.

Sa Cebu City, ipinagbabawal ang mga hindi rehistradong drone matapos maghain ang isang lokal na mambabatas ng ordinansa na nagbibigay ng mga regulasyon sa paggamit nito. JR Reyes