MANILA, Philippines – Pinagtibay ng Korte Suprema ang desisyon ng Commission on Elections na kilalanin ang paksyon ng PDP-Laban na pinamumunuan nina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Alfonso Cusi sa paksyon na pinamumunuan ni dating senador Koko Pimentel at Manny Paquiao.
Sa en banc decision na may petsang July 8, 2025, inihain ni Pimentel at Pacquiao ang petisyon.
Ipinost naman ni Atty. Israelito Torreon sa Facebook ang kopya ng desisyon.
Sinabi sa desisyon ng korte, ang petition for certiorari ay ibinasura at ang aplikasyon ng pagpapalabas ng temporary restraining order at/o writ of preliminary injuction ay denied o tinanggihan.
Noong 2022, kinilala ng Comelec ang paksyon ng pinamumunuan ni Duterte laban sa paksyon Pimentel.
Isinaad ng Korte Suprema sa desisyon na ang paghahain ni Duterte ng kandidatura para sa 2022 national elections sa ilalim ng Pederalismo ng Dugong Dakilang Samahan party ay hindi nagpapawalang-bisa sa kanyang mga aksyon bilang PDP-Laban chairman sa mga pagpupulong at assembly noong 2021.
Sinabi rin ng korte na hindi gumawa ng grave abuse of discretion ang Comelec sa mga resolusyon nito noong 2022 at 2023 na pumapabor sa Duterte at Cusi faction.
Binigyang-diin pa ng SC na ang resolusyon na nagpangalan kay Pimentel bilang acting chairman ay walang bisa dahil sa kakulangan ng ebidensya na pinahihintulutan siya ni Duterte na manguna sa pulong ng partido. Jocelyn Tabangcura-Domenden