Home OPINION ‘DI LANG BIGAS, KARNENG BABOY ANG PROBLEMA

‘DI LANG BIGAS, KARNENG BABOY ANG PROBLEMA

HINDI kaya kulang sa timbang ang mga aksyon ng pamahalaan laban sa sandamukal na problemang nagpapahirap sa halos o lahat ng mamamayan?

Kabilang sa mga malawakang problema ang napakataas nang presyo ng mga bilihin at serbisyo at malalang korapsyon o pandarambong o pagpapayaman sa pwesto.

SOBRANG MAHAL NA PRESYO

Sa kasalukuyan, ang pagpapalaganap ng Department of Agriculture ng “murang bigas” at nakatakdang pagpapababa ng presyo ng karneng baboy ang isa sa mga iwinawagayway ng pamahalaan na solusyon.

Sa kabilang banda, pinayagan naman ng pamahalaan ang pagtataas ng presyo ng tinatawag na “basic necessities at prime commodities” gaya ng de-latang sardinas, gatas, kape, tinapay at pandesal, instant noodles, de-latang karne, bottled water, sabong panlaba at pampaligo, baterya, arina, mantika, asin, asukal, liquefied petroleum gas, gaas, uling at kahoy na panggatong, kandila, gamot, onions, garlic, vinegar, patis, toyo, pamatay sa peste at damo, pagkain sa isda at gamot sa hayop, school supplies, papel, nipa, sawali, semento, yero, hollow block, plywood, plyboarde, pako, electric supplies, steel wire, bombilya at iba pa.

Naririyan din ang napakamahal na kuryente, produktong petrolyo, pasahe sa mga LRT at toll sa mga expressway at iba pa

Tanong: Ano ngayon ang halaga ng pinamumurang bigas at pamumurahing karneng baboy sa harap ng sandamukal na pinamahal na pangangailangan at kalakal?

Tanong pa: Nasaan ang mga kartel o higanteng negosyante at mga opisyal ng pamahalaan na kasabwat ng mga ito sa hindi makontrol na presyo ng mga bilihin at serbisyo?

KORAPSYON, PANDARAMBONG

Itong pagpapayaman sa pwesto sa bisa ng korapsyon at pandarambong ang tuloy-tuloy na nakasusukang gawain ng mga nasa pamahalaan.

Noong 2023 at 2024, nagbuhos ang pambansang gobyerno ng nasa P500 bilyon laban sa baha ngunit katakot-takot pa rin ang baha kahit ngayon.

Muling naglaan ang gobyerno ng P250B laban sa baha ngayong 2025, hindi kaya mamauuwi muli kung saan-saan ito?

Pwera pa ang mga anti-flood project ng mga lokal na pamahalaan.

Kung totoo ang sinasabi ni ex-Senator Ping Lacson na may 10 porsyentong kikil ng mga mambabatas at 5% ang mga opisyal ng departamento, magkano ang nakaw sa mahigit P1 trilyong proyektong imprastraktura?

Iba pa ang nasa halos P600B nasasayang sa mga itinayo ngunit hindi natutuloy na proyekto.

Sa trilyon-trilyong sinisingil ng Bureau of Internal Revenue at Bureau of Customs, magkano naman ang tumatagas dito sa anyo ng “tax avoidance” at tax evasion kung tawagin at smuggling na may mga kasabwat na matataas na opisyal ng pamahalaan?

Hindi lang korapsyon na mababa sa P50 milyong nakaw kundi pandarambong sa mahigit P50M ang nagaganap dito.

Tanong: Nasaan ang mga tax avoider at evader at smuggler, kasama ang mga opisyal ng gobyerno na kasabwat ng mga ito para mapanagot nang tama sa mga krimeng korapsyon at pandarambong?

MAGAGAWANG LUMABAN

Naniniwala ang ating Uzi na kung talagang seryoso ang pamahalaan na igawan ng paraan ang mga problemang ito, tiyak na gagaan ang kalagayan ng mga mamamayan.

Pero lumalabas sa mga pangyayari na ang pamahalaan ay tinimbang ngunit kulang na kulang dito.

Paano nga baguhin ang lahat ng ito alang-alang sa sambayanan?