UMIIRAL ang paniniwala na walang magagawa kundi tanggapin lahat ng mamamayan at korte ang anomang pagpapasya o desisyon ng Impeachment Court.
Pero may naniniwala namang pwedeng pakialaman o kaya’y baligtarin ang nasabing desisyon ng Korte Suprema batay sa ilang kondisyon.
Sinabi ni ex-Associate Supreme Court Justice at Ombudsman Conchita Carpio-Morales na kung may “grave abuse of discretion” o may aktuwal na kaso na roon malabag ang napakahalagang karapatan ng in-impeach, doon pupwedeng pumasok ang Korte Suprema batay sa “expanded mandate” o pinalawak na kapangyarihan nito.
May grave abuse of discretion o labis na pag-abuso sa pagpapasya kung nakabatay ito sa kapritso o basta-basta lang na pagpapasya na katumbas ng pag-iwas sa paggawa ng obligasyong ligal o pagtangging isagawa ang atas ng batas na katumbas ng kawalan ng hurisdiksyon ng Impeachment Court.
May “violation of substantive rights” naman kung malalabag ang mga batayang karapatan ng in-impeach, gaya ng isang akusado sa krimen, na itinatakda ng Konstitusyon.
Kasama sa mga batayang karapatan ang itinatakda ng Article III, Section 1 ng Konstitusyong 1987 na nagsasabing hindi pupwedeng bawian ang sinoman ng buhay, kalayaan at ari-arian nang walang due process of law o patas na paglilitis o pagkaitan ng pantay na proteksyon ng batas.
Ngayon, sinasabing binaboy umano ng mga kongresman ang tadhana ng Konstitusyon na dapat isang kasong impeachment lang ang pupwedeng isampa sa loob ng isang taon dahil inaksyunan na ang tatlong nauna ngunit hinarang at isinantabi ang mga ito at ang ikaapat na kaso inihabol sa Senado para sa paglilitis ngunit hindi umabot sa sesyon ng mga senador.
Layon lang umano ng impeachment na tanggalan si Vice President Sara Duterte ng karapatan na tumakbo sa halalang presidensyal sa 2028.
Depektibo rin umano ang nasabing kaso dahil hindi dumaan sa pagtatasa at paglalagom ng tamang komite at beripikasyon at basta na lang pumirma o pinapirma ang mga kongresman.
Anong sey nyo, mga brad?






