Home OPINION META-NONG AKO!

META-NONG AKO!

“IT’S frustrating.” Ganito ang reaksyon ni San Miguel Corp. big boss Ramon S. Ang matapos niyang makita ang isang ‘deepfake video’, ginamit ang panayam sa kanya ni Anthony Taberna, para sa isang investment scam: $250 kapalit ng “guaranteed return” na $1,500.

Sobrang halata na dinoktor ang video clip — may tao bang lumulutang ang labi sa ilalim ng ilong habang nagsasalita??? Sa kabila nito, ang “Meta” — kahit na may algorithmic wisdom, at nakatanggap ng mga report na iyon ay deepfake — ay hindi binura ang nasabing malisyosong ad.

Sa katunayan, nang mai-report na, ang sagot nila, ang nasabing halatang pinekeng video — siguro, dahil bayad at posibleng isang boosted ad — “does not violate our community standards.”

Ibig sabihin, hayaan nang isa iyong lantarang panloloko na ginawa upang isahan ang mga tao at kulimbatin ang pinaghirapan nilang pera. Hindi bale nang isa iyong bayad at sponsored ad, na aktibong na-boost para makaabot sa milyon-milyon!

Ito ang mangyayari kung totoo na nagbawas ng mga empleyadong fact checkers ang Meta at ngayon ay umaasa na lang sa automated responses kapag nakatatanggap ng reklamo. ‘Yan ay narinig ko lang – paki-fact check ako, Facebook, kung mali ang impormasyong ito.

Ang kawalan ng aktwal na tao para magsagawa ng fact-checking ay tiyak nang magiging kabiguan ng Meta dahil sa sobrang pagdepende nito sa mga sagot na ginagamitan ng Artificial Intelligence o AI. Magreresulta ito para ang platform ay maging pugad ng mga scam, Mr. Mark Zuckerberg.

Hula ko, ito na ang makapagpapaalis sa mga Pilipino at iba pang users ng Facebook dahil pinabayaan lang ng platform na mawalan ito ng bangis. Ang kawalan ng taong mangangasiwa sa mga kasong ganito ay katumbas ng pagkawala ng human discernment pagdating sa pagtukoy sa mga panloloko.

Mismong si RSA ay nagbabala sa publiko laban sa pagiging delikado ng mga ganitong scam. Siguro, Mr. Zuckerberg marami kang matututuhan mula sa kapwa mo CEO at matutugunan ng Meta ang pagkalat ng mga ganitong scams sa iyong cyber wonderland.

Hindi ito tungkol sa malayang pagpapahayag; tungkol ito sa responsibilidad ng isang platform. Kung hindi kaya ng Meta na linisin ang sarili nitong bakuran, marahil panahon nang pwersahin sila ng regulators para gawin ito.

* * *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app.