MAKAAAPEKTO ang Shear Line at magdudulot ng pag-ulan sa Southern Luzon at Visayas, habang ang Amihan ay makakaapekto sa natitirang bahagi ng Luzon. Samantala ang Easterlies naman ay magdadala ng pag-ulan sa ilang bahagi ng Mindanao ngayong Biyernes, ayon sa PAGASA.
Ang Visayas, MIMAROPA, Bicol Region, Northern Mindanao, Caraga, Zamboanga Peninsula, Quezon, at Davao Oriental ay magkakaroon ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms dulot ng Shear Line, na posibleng magdulot ng flash floods o landslides. Ang Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi ay makararanas din ng maulap na panahon na may pag-ulan dahil sa Easterlies.
Ang Metro Manila, Cagayan Valley, Cordillera, CALABARZON, at Aurora ay magkakaroon ng maulap na papawirin na may pag-ulan dahil sa Amihan, na maaaring magdulot ng flash floods o landslides. Ang natitirang bahagi ng Luzon ay makakaranas ng bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may pag-ambon.
Sa Mindanao, asahan ang bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may pulo-pulong pag-ulan o thunderstorms, na maaaring magdulot ng flash floods o landslides sa malalakas na thunderstorms.
Inaasahan ang malakas na hangin at maalon na karagatan sa hilaga at silangang Luzon. Katamtaman hanggang malakas na hangin na may katamtaman hanggang maalon na dagat ang mararanasan sa natitirang bahagi ng Luzon, silangang Visayas, at Mindanao. Sa natitirang bahagi ng bansa, banayad hanggang katamtamang hangin at bahagyang maalon na dagat ang inaasahan. RNT